TOTAL LOCKDOWN IKAKASA NI PDU30

MALAKI ang posibilidad na magpatupad ng “total lockdown” si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sakali at mabigo ito na mapantay ang kurba ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang panukalang implementasyon ng total lockdown ay isang “option,” bunsod na rin ng napakaraming quarantine violators na patuloy na sinusuway ang kautusan ni Pangulong Duterte na magsagawa ng “home quarantine”.

“Kinu-konsidera ang total lockdown lalong-lalo na kung magpapatuloy ang mga pasaway sa ating kalsada,” ayon kay Sec. Roque.

Ang buong Luzon at ilang lugar sa Visayas at Mindanao ay isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Ang pagpapatupad ng ECQ ay nangangahulugan na ang mga tao ay pinagbabawalan na lumabas ng kanilang bahay maliban na lamang kung may access para makabili ng mga pangunahing pangangailangan o exempted mula sa pagsunod sa quarantine protocols.

Ang ECQ ay iba mula sa panukalang total lockdown, na bukod sa nagbabawal sa mga tao na lumabas ng kanilang bahay ay inirerekomenda ang pagsasara ng lahat ng public establishments.

Nilinaw ni Roque na wala pang desisyon ukol sa implementasyon ng total lockdown.

“Siyempre po, isa iyang option na ikukonsidera, pero uulitin ko po, wala pa pong desisyon na mag-total lockdown,” ayon kay Sec. Roque. CHRISTIAN DALE

356

Related posts

Leave a Comment