ANG kasabihang ito ang gustong iparating ng lahi ni Juan Dela Cruz sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na namamahala sa pamamahagi ng P5-K – P8-K na ayuda sa 18 milyong pamilyang mahihirap.
Hindi nila maitindihan kung bakit sobrang bagal ng DSWD na hanggang ngayon kahit form ng Social Amelioration Program (SAP) ay hindi pa sila nakatatanggap.
May mga nakatanggap na Local Government Units (LGUs) partikular sa National Capital Region (NCR) ng form ng SAP pero kulang naman daw.
Halos wala raw sa kalahati ng kanilang ibinibigay na listahan ng “poorest of the poor” sa kani-kanilang nasasakupan ang ibinibigay na SAP form mula sa DSWD.
Kaya halos lahat ng LGUs ay dismayado sa DSWD.
Maraming mga nakapanood sa Facebook live ni Speaker Alan Peter Cayetano na tinukoy niya kung sino-sino ang dapat na mabibigyan ng P5-K – P8-K ayuda mula sa DSWD.
Sa pagkakataong ito ay maraming barangay chairman ang nag-react sa sinabi ni Mr. Speaker dahil hindi naman daw ito ang totoong nangyayari.
Kaya hinamon nila si Speaker Cayetano na magpunta sa kani-kanilang barangay at magpaliwang sa kanilang mga nasasakupan dahil sila daw ang hinahanapan ng mga residente na binabanggit ng una sa kanyang FB live.
Kaya tuloy kinuwentahan ang PUNA ng isa sa mga tagasubaybay natin na ang P8-K ayuda x 20,000,000 pamilya = P144 milyon na parang sinasabing ang budget sa programa ay may sukli pa.
Kamakailan ay inamin ni DSWD Sec. Rolly Bautista na noong April 13, 2020 ay nasa 377,000 pamilya pa lang ang na bibigyan nila ng P5-K – P8-K.
Kung ang target na bibigyan ng DSWD ng P5-K – P8-K ay labing walong milyong (18M) pamilya, kelan pa kaya sila matatapos?
Kaya tuloy tanong ng mga tagasubaybay ng PUNA “Aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo?”
May punto po ang mga nagtatanong kasi po hindi sila ngayon makapaghanapbuhay dahil sa lockdown kaya umaasa sila ng nasabing ayuda mula sa DSWD.
Napansin ng PUNA na nagkakaroon ng problema sa pagitan ng LGUs at DSWD sapagkat hindi sila magkasundo kapag usapin na ng bilang ng mga apektadong pamilya.
Maganda ang layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamimigay ng ayudang P5-K – P8-K dahil ayaw niyang may magutom sa mga mahihirap habang may problema tayo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Maging ang mga nasa middle class ay pinabibigyan rin ng ayuda kasi ayaw ni Pangulong Digong na may naiiwan sa lahi ni Juan.
Sana sa mga nasa LGUs at DSWD ay magkasundo na po kayo para mapadali ang trabaho.
Lahat ng mabigat na gawain kung magtutulungan po tayo ay magiging magaan.
Ingat po tayong lahat, nawa’y malampasan natin ang krisis na ito.
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.
203 