TIYAK na mataas ang konsumo sa kuryente ng mga tinatawag na lifeline customer hindi lamang ng Manila Electric Company (Meralco) kundi ng mga electric cooperative, ngayong panahon ng enhanced community quarantine kaya posibleng pagbayarin na ang mga ito.
Ginawa ni House committee on energy chairman Lord Allan Velasco ang pangamba dahil hindi lumabas ng kanilang bahay ang mga lifeline customer mula noong ipatupad ang ECQ noong Marso 12 kaya posibleng sumobra na sa 50 kilowatt per hour ang kanilang konsumo.
Ang mga lifeline customer na mula sa poorest of the poor na kumokonsumo ng 50Kwh at hindi lalagpas sa 100Kwh kada buwan ay hindi sisingilin sa kanilang March at April billing bilang tulong ng estado sa mga ito.
Dahil dito, inatasan ni Velasco ang Energy Regulatory Commission (ERC) na gumawa ng paraan upang matulungan ang mga lifeline customer na ito upang wala silang alalahaning bayarin sa kuryente.
Kasabay nito, kailangang atasan na umano ng Department of Energy (DOE) ang mga power industry player na magsagawa ng maintenance works habang umiiral ang ECQ.
Sinabi ng mambabatas na bumaba ang konsumo ng kuryente simula nang ipatupad ang ECQ dahil nagsara ang malalaking establisimyento tulad ng mga mall at halos lahat ng industriya.
Dahil dito, nagkaroon aniya ng sobrang supply ng kuryente na dapat samantalahin ng industry players lalo ang power producers para ayusin ang kanilang mga planta. BERNARD TAGUINOD
432 