UMAASA ang mga residente sa ilang barangay sa Dagupan City sa Pangasinan na iimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ‘pandarayang’ naganap sa pamimigay sa ‘pinakamahihirap’ na pamilya ng ayudang pinansiyal galing sa Social Amelioration Program (SAP) ng administrasyong Duterte.
Ayon sa impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon, mayroong nabigyan ng tig-P5,500 na kapamilya ng kagawad ng barangay at kamag-anakan nilang mayroong kaya sa buhay.
Ang isinama ng pamahalaan sa SAP ay ang mga barangay tanod at health workers, sapagkat wala sa minimum ang kanilang “honorarium” kada buwan, hindi ang mga kagawad dahil malaki ang honorarium nila.
Hindi rin kasama ang mga kamag-anak ng kagawad na mayroong kaya sa buhay.
Mismong si DILG Secretary Eduardo Año ang nagsabi na paiimbestigahan niya ang mga irereklamong punong barangay na umabuso sa pamamahagi ng ayudang pinansiyal mula sa SAP.
Kakasuhan sila kapag napatunayang lumabag sila sa batas na “Bayanihan to Heal as One.”
Nagkaroon ng papel ang mga barangay official sa pamimigay ng perang inilagay sa SAP nang ipasa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamimigay ng pera sa local government units (LGUs) upang mapabilis ang proseso nito.
Ayon sa ilang residente ng Dagupan, kawawa ang “totoong pinakamahihirap” tulad ng mag-asawang walang trabaho, mayroong anak na sanggol at nakikitira lamang sa kanilang magulang.” NELSON S. BADILLA
183 