UMABOT sa P353 bilyon ang kabuuang perang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) upang ipamahagi sa 23 milyong pinakamahihirap na pamilyang Filipino, mga manggagawa sa maliliit na negosyo at mga overseas Filipino worker (OFW) at perang pambili ng mga kagamitang gagamitin laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Eksaktong P78 bilyon ang sobra nito sa P275 bilyong itinakda at ipinag-utos ng Bayanihan to Heal as One Act na kailangang ilabas ng administrasyong Duterte para sa ayudang pinansiyal sa mga pinakamahirap na pamilyang Filipino, manggagawa at OFWs.
Kahapon (Hunyo 5) natapos ang buhay ng Bayanihan Act o Republic Act No. 11469, ngunit maraming nakukuhang impormasyon ang Saksi Ngayon na napakarami pang pinakamahihirap na pamilya ang hindi nakatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 pera mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at OFWs na may tig-P10,000 na itinakda ng programang “Abot-Kamay na Pagtulong (AKAP) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, inaasikaso na ng DSWD ang listahan ng ikalawang batch na bibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 mula sa mahihirap na pamilya.
Samantalang ang DOLE naman ay tatapusin na lang ang pamimigay ng ayuda sa 250,000 OFWs.
Ang ikalawang batch naman ng tig-5,000 hanggang tig-P8,000 ayudang pinansiyal para sa 3.4 milyong manggagawa sa maliliit na mga negosyo na inisponsor ng Department of Finance (DOF) ay matatanggap na ng mga benepisyaryo hanggang bago matapos ang Hunyo.
Naniniwala si Senador Franklin Drilon na mananatili ang “special power” o “emergency power” ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibinigay ng Bayanihan Law kahit natapos na ang buhay ng nasabing batas nitong Hunyo 5.
Ginamit ng senador ang desisyon ng Korte Suprema ukol sa kasong Araullo Vs. Aquino noong 2014 nang ilabas niya ang kanyang “legal opinion” sa kapangyarihan ni Duterte na patuloy nitong galawin, ilipat at ipamahagi ang pera o pondo ng iba’t ibang kagawaran para sa mga proyekto o gastusin sa panahong malaking problema pa rin ang COVID-19 sa bansa.
Natapos ang R.A. 11649 nitong Hunyo 5, ngunit hindi naipasa ng Senado ang Senate Bill No. 1564 o Bayanihan to Recover as One Act sa ikatlo at huling pagbasa.
Ipinasa naman ng Kamara de Representates sa ikalawang pagbasa ang bersiyon nito ng Batas – Bayanihan to Recover as One o House Bill No. 6953 nitong Miyerkoles ng gabi.
Pareho ang layunin ng dalawang bersiyon ng Bayanihan Act 2 na bigyan muli ng karagdagang ayudang pinansiyal ang mahihirap na pamilya, manggagawa, guro, health workers, magsasaka at mangingisda hanggang Setyembre.
Ngunit, P140 bilyon lang ang itinakda ng panukalang batas ng Senado, samantalang ang kongresista ay handang magbigay pa ng P162 bilyong pondo ni Duterte.
Kapag ipinasa sa susunod na mga buwan ang bersyon ng Kamara, aabot sa P515 bilyon lahat ang perang gagamitin ni Duterte bilang ayudang pinansiyal at pambili ng mga kagamitan laban sa COVID-19.
Kung panukala naman ng Senado, P493 bilyon lahat ang gagastusin ng pamahalaan.
Umabot sa P162 bilyon ang idinagdag na pondo rito ng mga kongresista, higit na malaki sa P140 bilyon ng Senado.
Parehong tatlong buwan ang gusto ng mga senador at kongresista na itatagal ng Bayanihan Act 2 hanggang Setyembre. NELSON S. BADILLA
