HINDI sapat ang pagtanggi lamang ng Panay Electric Company (PECO) na wala itong offshore companies bagkus hinamon itong maglabas ng kanilang ebidensya na magpapatunay na wala itong tagong investments sa British Virgin Islands.
Ayon kay Atty. Zafiro Lauron, kung walang tinatago ang PECO ay madali itong makahihingi ng sertipikasyon sa Bahamas na wala silang investments gaya ng kanilang sinasabi.
“They can always ask for certification that they don’t have any deposit or investment in the Bahamas, the thing is– why can’t they do such move” pahayag ni Lauron.
Si Lauron ang unang nagbunyag ng pagkakaroon ng 3 offshore companies ng PECO sa Bahamas na Costa Group Investments Ltd, Prime Rose Technology at Mega International Services na pawang nabuo noong taong 2000.
Nanindigan si Lauron na mas may basehan ang ipinalabas na report ng International Consortium of Investigative Journalists (ICU) na nagdedetalye ng mga binuksang offshore companies ng PECO sa Bahamas kung saan nakalista pa ang mga pangalan ng mga shareholder, company address at kung kailan naiset-up ang kumpanya.
Matagal na umanong iniuugnay sa PECO ang pagkakaroon ng offshore companies subalit palagian lamang ang kanilang pagtanggi.
“Now is the proper time, ipakita nila sa mga Ilonggo kung tunay na wala silang tinatago,” giit ni Lauron.
Ipinunto ni Lauron na sinomang mayamang tao ay maaaring magdeposito o mag-invest sa labas ng bansa subalit ang nakaaalarma umano ay kilala ang British Virgin Island na taguan ng illegal funds at karamihan sa mga nagdedeposito rito ay may tinatago.
Samantala, handa umano si Lauron na harapin ang bantang kaso laban sa kanya ng PECO dahil sa kanyang naging pagbubunyag sa offshore companies, aniya, nagtataka siya kung bakit nais siyang patahimikin gayong maaari naman sagutin ng PECO ang kanyang akusasyon.
“Don’t shoot the messenger. They threatened me with lawsuit, its ok, Its not the first time I blew the whistle. Ang ginagawa ko na ito ay tulong ko sa mga Ilonggo,” dagdag pa ng abogado.
Una nang nagpasaklolo si Lauron sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na imbestigahan ang nasabing offshore companies. Iginiit nito na hindi simpleng usapin ang pagkakaroon ng mga investment ng PECO sa Bahamas dahil posibleng nakuha ito mula sa overcharging sa loob ng maraming taon sa singil sa kuryente ng distribution utility nang ito pa ang nangangasiwa sa supply sa kuryente sa Iloilo City.
Sa isang statement, sinabi naman ng PECO na isang “rehashed issue” ang ibinunyag ni Lauron, bukas umano sa appropriate authorities ang financial records ng kumpanya at maging ng Cacho Family na siyang nagmamay-ari ng PECO.
“Whatever investments the Company or family may have are all above-board and compliant with law”, nakasaad sa statement ng PECO.
Kung mayroon umanong lehitimong reklamo si Lauron ay magsampa ito ng kaso sa tamang forum sa halip na ilabas sa media.
