IMBES mabawasan, mistulang dumarami pa ang nagaganap na “himala” sa National Bilibid Prison (NBP).
Pinalala pa umano ito ng pagtatago ng Bureau of Correction (BuCor) sa pagkamatay dahil sa COVID-19 ng mga inmate kabilang ang 9 high profile kung saan walo ang drug lord.
Ganito ang assessment ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na hindi makapaniwala na isa-isang namamatay sa COVID-19 ang mga high profile inmate kasama na si Jaybee Sebastian na agad umanong ipina-cremate ang bangkay.
“Nakababahala, nakaaalarma na mismo ang isang secured facility ay may nagaganap…mali yata si Nora Aunor, may Himala,” ani Gaite lalo na’t hindi pa aniya nabubura sa isip ng mga tao ang ”freedom for sale” sa NBP na inimbestigahan ng Senado.
Ayon kay Gaite, kahina-hinala na tinarget ng COVID-19 ang mga high profile inmate at sa loob lamang ng mahigit isang buwan ay walo agad ang nalagas sa mga ito sa nasabing virus.
Kinastigo naman ni ACT party-list Rep. France Castro si BuCor Director General Gerald Bantag dahil imbes na sagutin nito nang diretso ang mga tanong at duda ng mga tao ay nagmumura at nagbabanta umano ito.
“Kailangang maging transparent…hindi puwede yung pananakot at pagmumura mo no!,” ani Castro kay Bantag.
Nagtataka rin Castro dahil sa nakabibinging katahimikan umano ng Malacañang lalo na si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkamatay ng mga high profile convict lalo na ang mga drug lord (BERNARD TAGUINOD)
169 