SAPAT AT MURANG GAMOT VS COVID PINASISIGURO SA DOH

IPINATITIYAK ng isang senador sa Department of Health at iba pang ahensiya ng pamahalaan na may sapat, madaling mabili at murang gamot na kailangan ng mamamayan sa gitna ng health crisis sa corona virus 2019 (COVID-19).

“Hindi tayo dapat pumayag na pagsamantalahan ng iilan ang sitwasyon kung saan ang mahihirap ay namamatay na lang dahil hindi makabili ng gamot. Dapat pantay-pantay at hindi lang ang mga may kaya sa buhay ang makakabili ng mga gamot na kailangan upang gumaling,” ayon kay Senador

Christopher Lawrence “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography at nagtataguyod ng universal healthcare access sa lahat ng Filipino.

Tinukoy ni Go ang ilang ulat na may overcharging ng gamot sa mga ospital kaya’t hinikayat niya ang mamamayan na i-report ang pang-aabuso at nanawagan sa DOH na imbestigahan ang bagay na ito sa  lalong madaling panahon.

Hiniling din ni Go na muling rebyuhin ang listahan ng Maximum Drug Retail Price (MDRP) hinggil sa ilang gamot at medisina alinsunod sa itinakda ng Executive Order 104, na nilagdaan ni President Rodrigo Duterte noong February 17, at alinsunod sa Cheaper Medicines Act of 2008.

Aniya, kung palalawakin ang listahan ng MDRP scheme na isasama ang ilang gamot at medisina, makatutulong ito sa panggagamot ng pasyente ng COVID-19  at iba pang kaugnay at palaging sakit. (ESTONG REYES)

180

Related posts

Leave a Comment