MALAKI ang paniniwala ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na maililigtas ng death penalty ang kabataan sa paggamit ng illegal drugs kaya’t sinusuportahan niya ang panawagan ni
Pangulong Rodrigo Duterte hinggil dito.
Sa pahayag, sinabi ni Go na maililigtas sa panganib ng ilegal na droga ang ating kabataan kung maibabalik ang parusang bitay laban sa karumal-dumal na krimen na may kinalaman sa ilegal na
droga.
“Buo ang aking suporta sa muling pagbanggit ni Pangulong Duterte na talakayin ang pagbalik ng death penalty para sa heinous crimes involving illegal drugs,” ayon kay Go.
Ayon sa senador, dapat na mas palakasin pa ang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang salot sa lipunan.
“As the President said, freedom from illegal drugs, terrorism, corruption and criminality is, in itself, a human right,” ani Go.
Sa kanyang ika-5 SONA, sinabi ng Pangulo na nais niyang mapabilis ang pagpapasa ng pagbuhay sa death penalty sa pamamagitan ng lethal injection laban sa krimen na espisipikong may kinalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Noong nakaraang taon ay naghain si Go ng Senate Bill No. 207 na layong maamyendahan ang Republic Act 9346 na nagbasura sa death penalty sa Pilipinas.
Nais ng panukala ni Go na buhayin ang capital punishment sa mga heinous crime, partikular sa illegal drugs at plunder. (ESTONG REYES)
303 