NANANATILING kabilang ang limanlibong 130-taong gulang sa 109 milyong kasapi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Inamin ito ni Ricardo Morales, ang retiradong heneral mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginawang pinuno ng PhilHealth ni Pangulong Rodrigo Duterte mula noong Hulyo 2019, sa harapan ng 23 senador.
Ngunit, banggit in Morales sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa malaganap na korapsiyon sa PhilHealth ay hindi maaaring basta tanggalin ang mga 130-anyos sa database ng ahensiya dahil
posibleng buhay pa ang 5,000 na mga ito.
Ani Morales, walang dokumentong hawak ang kanyang tanggapan na magsasabing patay, o buhay pa, ang nasabing senior citizens.
Kung nananatiling bahagi ng 109 milyong kasapi ng PhilHealth ang 5,000 mayroong edad na 130, nangangahulugang nakatatanggap pa rin sila ng mga benepisyo ng pambansang insurance firm na pag-aari at kontrolado ng pamahalaan.
Iginiit ni Morales sa mga senador na tanging ang P2.1 bilyong halaga ng proyektong information technology (IT) ang makapaglilinis ng listahan ng kasapian ng PhilHealth.
Inilatag pa rin ng pangulo at chief executive officer ng PhilHealth ang IT program kahit isa na ito sa binibira ng ilang senador hinggil sa malawakang korapsyon sa nasabing ahensiya ng pamahalaan na siyang inutusan ng batas na asikasuhin at pangalagaan ang kalusugan ng mamamayang Filipino. (NELSON S. BADILLA)
