FACE MASK + FACE SHIELD, 78% IWAS COVID-19

INIHAYAG ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na ayon sa mga dalubhasa, nababawasan ng 78% ang tsansang mahawaan COVID-19 kapag may suot na face mask at face shield.

“Dinagdagan po ang safety measures na kailangan nating gawin tulad ng pagsusuot ng face shield, maliban sa face mask, sa lugar ng trabaho at kapag sasakay sa mga pampublikong transportasyon. Hangad natin na makatutulong ito para mas bumaba pa ang bilang ng mga nahahawaan.  Layunin lamang nito na mas maproteksyunan tayo mula sa sakit,” ani Tiangco.

Sinabi rin ng alkalde na 160 ang naitalang nagpositibo at 148 naman ang gumaling sa kanyang nasasakupan noong Sabado, Agosto 15.

Umabot na sa 3,708 ang nagpopositibo sa COVID-19 sa Navotas.  Sa bilang na ito, 1,391 ang active cases, 2,208 ang gumaling at 109 ang namatay.

Pinaalalahanan muli ni Mayor Tiangco amg mga residente na patuloy na mag-ingat dahil nananatili ang panganib ng nakamamatay na virus.

Kaugnay nito, ilulunsad sa Agosto 20 ni Navotas City Congressman John Rey Tiangco ang webinar series na “Navo O-My Gulay” na ii-stream online sa official Facebook account ng mambabatas at naglalayong tiyakin ang sapat na pagkain para sa mga mamamayan sa gitna ng pandemya.

Magiging panauhin ni Rep. Tiangco si Mary Ann Guerrero, hepe ng Crop Research and Production Support Division ng Bureau of Pant Industry (BPI) at isang dalubhasa sa mushroom cultivation at production.

Si Guerrero na nasa BPI sa loob ng 34 taon, ay nakamit ang kanyang degree na Master of Science in Agricultural Systems mula sa Asian Institute of Technology sa Thailand.

Ayon pa kay Tiangco, eksperto si Guerrero sa malunggay commercial production at sa mga gamit ng nasabing gulay at iba pang pananim gaya ng sibuyas.

Hinimok ni Rep. Tiangco ang kanyang constituents na gamitin ang mga matutunan sa webinar mula kay Guerrero at iba pang mga agriculture experts na tatalakayin ang napapanahong paksang “Food Sufficiency through Urban Agriculture.”

“Lamang na lamang po ang may sariling tanim at may naaaning gulay sa panahon ng pandemya, kaya i-marka n’yo na sa inyong mga kalendaryo o planners ang ating Navo-O-May-Gulay Webinar,” ani Rep. Tiangco.

Bibigyan ng binhi ng sari-saring gulay ang mga lalahok upang matulungan silang magsimula ng urban farming. (ALAIN AJERO)

173

Related posts

Leave a Comment