PINALAWIG pa ng Manila Electric Company (Meralco) ang itinakdang panahon sa pagputol ng linya ng mga customer na hindi nakapagbabayad dahil sa pinagdaraanang hirap dulot ng pandemya sa COVID-19.
“Bilang tugon sa inyong request, ie-extend po yung suspension ng disconnection hanggang end of October, para mas mabigyan ng panahon ang ating mga customer na makalikom ng sapat na
pambayad sa kanilang mga bills,” ani Meralco President and CEO Ray Espinosa sa joint hearing ng House committee on good government and public accountability at committee on public accounts.
Unang itinakda ang grace period sa Setyembre 31, 2020 subalit sinabi ni Espinosa na pinalawig pa ito upang bigyan din ng sapat na panahon ang kanilang mga customers na bayaran ang kanilang
obligasyon.
Sinabi naman ni Meralco Vice President William Pamintuan na pagdating ng October 31 ay hindi agad-agad magsasagawa ng disconnection dahil magbibigay pa rin umano sila ng sapat na panahon sa kanilang mga customer.
Samantala, ipinagmalaki ng nasabing kumpanya sa ginanap na pagdinig na umaabot na umano sa P2.84 billion ang kanilang naibigay na ‘bill relief’ sa kanilang mga customer.
Sa presentasyon ni Espinosa, P1.9 billion sa nasabing halaga ay nai-waive na umano ng Meralco sa ilalim ng Guaranteed Minimum Billing Demand (GMBD) sa mga business customer mula Marso
hanggang Hunyo kung saan nakinabang umano ang may 87,728 small-medium enterprises at large business customers.
Ngayong Agosto ay muling pinalawig ang GMBD suspension sa mga negosyong nasa 50% lamang ang kapasidad na nagkakahalaga ng P272 million mula sa 28,463 business customers.
Nasa P64 million naman umano ang na-refund ng mga ito simula nitong July 15 para sa mga customer na hindi nabasa ang metro sa kasagsagan ng ECQ at MECQ pero nagbayad pa rin ng bill
kaya umaabot na anila sa P30.4 billion ang kanilang na-refund mula March 16 hanggang July 15 para sa 647,000 Meralco online transactions. (BERNARD TAGUINOD)
