BUKOD sa pagkakasakit ng mga frontliners dahil sa paglaban sa covid-19 na in-export ng China sa Pilipinas at sa ibang panig ng mundo, sariling pera na nila ang ginagamit para sa kanilang proteksyon.
Ganito ang sitwasyon ngayon sa hanay ng ating mga frontliners dahil naubos na ang donasyon ng iba’t ibang pribadong grupo na Personal Protective Equipments (PPEs) sa mga government hospitals.
Isang frontliner na ayaw magpakilala ang nagsabi sa inyong DPA as in Deep Penetration Agent na napipilitan silang gumastos mula sa kanilang sariling pera para proteksyunan lang ang kanilang sarili at pamilya sa covid-19 habang ginagampanan nila ang kanilang trabaho.
Dismayadong-dismayado ang frontliners dahil hindi naman kalakihan ang kanilang suweldo pero kailangang gastusan nila ang kanilang sarili para magkaroon ng maayos na PPE tulad ng face mask at gloves.
Responsibilidad ng gobyerno lalo na ang Department of Health (DOH) na suplayan ng PPEs ang mga frontliner lalo na sa mga government hospital pero limitado raw ang supply at hindi rin agad dumarating kaya ang nangyayari napipilitan ang frontliners na bumili ng sarili nilang PPE.
Nagtataka naman ako sa DOH bakit hindi pa nareresolba ang problemang ito eh lumutang na agad ito noong Marso pa lamang nang sumabog na ng tuluyan ang pandemya sa covid-19 matapos na papasukin sa Pilipinas ang dalawang Chinese national mula sa Wuhan China kahit pa may pandemya na noon sa kanila.
Kung hindi dahil sa mga pribadong indibiduwal na nagtatag ng grupo para tulungan ang mga frontliner ay baka mas marami ang nagkasakit at namatay sa virus na ito na dinala ng Wuhan China nationals sa ating bansa.
Malapit nang umabot sa 7,000 frontliners ang nagpositibo sa covid-19 at mahigit tatlong dosena na ang namatay sa kanila mula noong Marso hanggang sa kasalukuyan.
Patuloy na nanganganib ang frontliners pero bakit ang DOH, parang ang kupad pang kumilos eh mayroon naman silang sapat na pondo para bumili ng PPEs para sa proteksyon ng mga bayaning ito sa panahon na pandemya.
Hindi pa ba dumarating ang mga inorder nila galing China na marami ang nagsasabi na hindi pasok ang kalidad para proteksyunan ang mga frontliner at mahal pa pero yun pa rin ang gustong bilhin? Nagtatanong lang.
Sa mga susunod na araw ay magkakaroon muli ang P3 Billion na pondo para sa PPEs pero nakakawindang ang balita na may nagtatangkang maghanap ng supplier sa China gayung may mga local manufacturer sa Pilipinas.
May ideya na ako kung bakit mas gusto ng taga-gobyerno na bumili ng PPEs sa China pero hindi ko sasabihin dito… akin na lang yun. Pero may nagsasabi na baka may gustong kumita.
Bukod sa walang puso ang mga taong ito ay tinutulungan nila ang China sa kanilang ekonomiya. Binubuhay nila ang China samantalang pinapabayaan naman ang sariling ekonomiya.
Sabagay, may hustisya naman. Kung hindi man maigagawad ang hustisyang ito sa lupa, sa itaas sigurado may kalalagyan ang mga taong nagsasamantala sa pandemya para sila ay magpayaman.
179 