JOLO BOMBINGS ISINISI SA MGA PULIS NA PUMATAY SA 4 ARMY INTEL

PUNA Ni JOEL AMONGO

 

HINDI raw sana mangyayari ang ‘twin bombings’ sa Jolo, Sulu kundi namatay ang apat (4) na miyembro ng Army Intelligence sa kamay ng kapwa nila mga awtoridad na nakatalaga sa nasabing lugar.

Noong Hunyo 29, 2020 napatay ng mga tauhan ng Jolo PNP sina Major Marvin Indamog na siyang lider ng tropa. Capt. Irvin Managuelod, Sgt. Eric Velasco at Corporal Abdal Asula.

Sinusubaybayan daw ng apat na sundalong ito ang galaw ng Abu Sayyaf kaya sila nandun sa area. Ika nga may special mission ang apat na mga miyembro ng Army Intelligence para mapigilan na maka­paghasik ng lagim ang mga terorista sa lugar.

Imbes na suportahan sila sa kanilang misyon laban sa mga ­terorista, kapwa pa nila awtoridad ang pumatay sa kanila. Mga awtoridad nga ba sila o baka nagtatago lang sila sa uniporme ng pulis?

Kaya ayon nakapaghasik ng lagim ang mga terorista, labing limang katao (15) tuloy ang namatay at marami ang mga nasugatan na inosenteng sibilyan sa magkasunod na dalawang pagsabog sa Jolo, Sulu.

Kaya sabi ng mga taga-subaybay ng PUNA, kundi hindi sana napatay sina Major Indamog, Capt. Managuelod, Sgt. Velasco at Corporal Asula ay napigilan sana ang pambobomba sa lugar.

Duda tuloy nila na posibleng may kaugnayan ang mga pulis sa mga suspek sa twin bombings sa Jolo, Sulu.

Kung kaya’t hiniling nila sa National Bureau of Investigation (NBI) na may hawak sa kaso ng pamamaril sa mga sundalo na laliman pa nila ang kanilang imbestigasyon at alamin kung ano kaugnayan ng mga pulis na ito sa mga suspek ng pambobomba.

Isinampa na ng NBI sa Department of Justice (DOJ) ang kasong murder at planting of evidence laban sa mga pulis na sangkot sa pamamaril sa apat na miyembro ng Army Intelligence.

Kabilang sina P/Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, P/Master Sergeant Hanie Baddiri, P/Staff Sergeant Iskandar Susulan, P/Staff Sergeant Ernisar Sappal, P/Staff Sergeant Almudzrin

Hadiaruddin, P/Corporal Sulki Andaki, Patrolman Mog Nur Pasani na mga nakatalaga sa Jolo Police at sina Patrolman Alkajal Mandangan at Patrolman Rajiv Putalan na mga naka-assign naman sa Sulu Drug Enforcement Unit.

Dapat papanugutin din sina Sulu Provincial Police Office Chief Colonel Michael Bawawan, Jr., Jolo Police Chief Major Walter Annayo at Sulu Drug Enforcement chief Capt. Ariel Corcino para sa neglect of duty sa ilalim ng doktrina ng command responsibility.

Sa galit ng mga kamag-anak ng apat na sundalo gayundin ang mga netizens sa mga pulis na ito ay gusto nilang bitay ang kaparusahang dapat na ipataw sa mga pulis na ito.

Lalo pa silang nagpupuyos sa galit dahil tila gusto pang baliktarin ng mga pulis na ito ang pangyayari na ang mga napatay na sundalo ang may kasalanan sa pangyayari.

Nakakasira kayo sa imahe ng PNP dapat sa inyo ay patawan ng pinakamabigat na parusa nang hindi na kayo makaulit pa.

Ang suhestiyon ngayon ng PUNA sa PNP Crime Laboratory ay itago na lang nila ang resulta ng ginawang pag-eksamin sa mga pulis makaraang sabihin na nagnegatibo raw sa pulbura ang mga pulis na namaril sa mga sundalo. Nakakahiya kayo!

Inamin na nga ng mga suspek na pulis sa pagdinig sa Senado na sila nga ang mga bumaril sa mga walang kalaban-laban na mga ­miyembro ng Army Intelligence tapos ay sasabihin ninyong negative sila sa pulbura.

Ay naku! Gasgas na yang style nyo. Kakahiya kayo! Lalo nyo lang inilulubog sa kahihiyan ang PNP sa resulta ng parafin test na yan sa mga suspek.

Ipaubaya na ninyo ‘yan sa NBI na sila ang mag-imbestiga nang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.

Simple lang naman, baliktarin natin ang pangyayari, mga pulis ang pinatay ng militar, ano kaya ang magiging reaksyon nyo?

Matutuwa ba kayo? Kung ayaw nyong gawin sa inyo, ‘wag nyo rin gawin sa iba.

‘Wag nyo rin kunsintihin ang bulok at nakakasira sa hanay nyo dahil lahat kayo ay madadamay. Kelan pa maaayos ang imahe nyo? Kayo ang makakasagot niyan.

Malalaki na ang mga suweldo niyo, ano pa ang hinahanap nyo?

                                                                                                                                                  oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

173

Related posts

Leave a Comment