TATAKBONG PANGULO NA MALAPIT KAY DUTERTE, TALO SA ELEKSYONG 2022

BADILLA NGAYON Ni NELSON BADILLA

 

 

MALAPIT na ang halalan para sa pagkapangulo.

Siguradong mayroong kandidato ang administrasyong Duterte dahil tuwing eleksyon naman ay mayroong mga pambato sa pagkapangulo at pagkapangalawang pangulo ang administrasyon.

Dalawa sa napabalitang posibleng tumakbo sa bandila ng administrasyon ay sina Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

Noong hindi pa senador si Go, solo ni Sara ang posibleng kandidato ng administrasyong Duterte sa pagkapangulo.

Kahit si Senador Panfilo Lacson na hindi natitigil ang pangarap maging pangulo ng bansa ay hanga sa katangian ni Sara bilang pinuno.

Ngunit, nang maging senador si Go ay napakaraming naghihinala na tatakbo ito sa pagkapangulo sa halalang 2022.

Kung regular kang nagbabasa ng mga pahayagan at online news platform ay imposibleng hindi mo mapansin ang mga istorya mula sa mga press statement ni Go.
Ang ibang dyaryo nga ay “banner story” pa ang pahayag ni Go.

Ang mabilis na nakakakuha ng atensyon ng mambabasa ay ang apelyidong “Go” na kasama sa titulo, o ulo, ng balita.

Ang tingin dito ng mga political analyst, public relations at media ­operators ay nauungusan ni Bong Go si Sara sa media publicity.

Sa ngayon, ‘maganda’ naman ang imahe nina Sara at Bong Go kumpara sa ibang mga politikong ‘dikit nang dikit’ kay Pangulong Duterte tulad ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Napapansin kong ‘mayroong bango’ sina Sara at Go pagdating sa media kumpara kay Cayetano.

Kahit tinitiyak ng mga bataan ni Bong Go ang tuluy-tuloy na paglabas ng kanyang mga press statement sa mga dyaryo, hindi halatang media publicity ang habol ni Go.
Kay Cayetano kasi ay halatang-halata na papogi lang talaga sa publiko, gamit ang media.

Kahit maganda ang sagot niya sa tanong ng journalist, mistulang palabas pa rin.

Kahit mukhang mabango sina Sara at Bong Go, ito ba ay nangangahulugang mananalo kahit sino sa kanila sa pagkapangulo sa eleksyong 2022 sa bandila ng administrasyong Duterte?
Marami nang todo-todo ang pagkadismaya sa administrasyong Duterte.

Marami sa mga ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nangangampanya pa lamang siya sa pagkapangulo na reresolbahan niya tulad ng kontrak­tuwalisasyon, ilegal na droga, kahirapan, ­korapsyon at pandarambong ang hindi natupad hanggang ngayon.

Katunayan, lalong naging malala at malawak ang problema sa mga nabanggit ko.

Hindi porke nalinis ang Boracay ay okey na ang nagawa ni Duterte.

Hindi lang naman Boracay ang kailangang linisin, kundi ang Pasig River, Manila Bay at iba pa.
Hindi porke hindi na nababalita ang tanim bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ay wala nang suliranin sa pambansang ­paliparan na ito.

Hindi ba ipinapadaan din sa NAIA ang mga drogang galing sa ibang bansa?

Wala na bang tanggapan ang Bureau of Immigration (BI) sa NAIA na nanghihingi ng lagay sa mga Intsik?

Sa korapsyon, hindi lang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Department of Health (DOH) ang talamak ang korapsyon, kundi mayroon din sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Agriculture (DA), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Corrections (BuCor), Presidential Communications ­Operation Office (PCOO) at iba pa.

Kapag hindi umaksyon si Duterte laban sa mga korap na opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, napakalaki ng posibilidad na matalo ang kanyang kandidato sa halalang 2022.

Kung magpapatuloy ang korapsyon at pandarambong sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ay siguradong ididiin si Duterte at sa kanyang kandidato (Sara o Go) hinggil sa garapalang korapsyon sa pandarambong.

Higit na matinding dagok kay Duterte at sa kanyang (Sara o Go) kung ang masasangkot sa korapsyon at pandarambong bago sumapit ang eleksyon ay “presidential appointee”.

Syempre, walang ibang gagawa nito, kundi ang makakalaban ng kandidato ni Duterte mula sa Liberal Party (LP), o “Dilawan” at ikatlong kandidato kung magkakaroon.

Gagawin ng kalaban ng a­dministrasyon ang lahat ng diskarte at taktika upang manalo sila sa halalang presidensiyal.

Ganoon din naman ang kampo ni Duterte upang matiyak na manatili ito sa kapangyarihan.

Mahirap sabihing magiging malinis ang halalang 2022 kahit computer na ang ginagamit sa ating eleksyon.

Simula nang maging ­computerized ang halalan sa bansa, sa pamamagitan ng Smartmatic, ay napakarami pa ring reklamo tungkol sa dayaan.

Hindi pa rin natuldukan ang paggamit ng pera upang makabili ng boto.

Hindi pa rin tumigil ang mga politiko na mamili ng boto.

Manmanan ang sitwasyon dahil pihadong marami pang galawan ang magaganap hanggang sa mismong araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) sa susunod na taon.

Maliban kina Duterte – Carpio at Go, ang iba pang posibleng tumakbo sa pagkapangulo ay sina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos II, Senador Panfilo Lacson, Senador Emmanuel

Pacquiao, Senadora Mary Grace Poe, Senadora Cynthia Villar at Speaker Alan Peter Cayetano.

158

Related posts

Leave a Comment