NANG-AGAW NG ARMAS, PATAY SA PARAK

COTABATO City – Nalagutan ng hininga ang top 4 most wanted person ng pulisya sa bayan ng Matanog sa lalawigan ng Maguindanao, habang sugatan ang kasama nito, makaraang mang-agaw ng baril ng pulis habang ibinibiyahe ang suspek at kasama nito sa Cotabato City, nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni CIDG BARMM regional chief, Police Col. James Gulmatico, ang napatay na suspek na si Itek Dumran Cocoy, dead on arrival, habang sugatan naman si Makasilang Abdulhazis.

Nasa kustodiya na ng CIDG-BARMM sa PC Hill, Cotabato City ang dalawang kasama nilang kinilalang sina Manan Macarimbnag at Tingo Macasalong.

Una rito, naglunsad ng Oplan Pagtugis at Paglalansag Omega ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Bangsamoro Autonomuos Region in Muslim Mindanao, sa nasabing bayan, alas-3:00 ng madaling araw.

Sinabi ni Col. Gulmatico, isisilbi lang sana nila ang warrant of arrest sa mga suspek sa bahagi ng Sitio mBinical at Sitio T’Ba (Poblacion) pawang nasa Brgy. Bugasan Sur, Matanog, Maguindanao, nang makipagbarilan ang mga ito sa mga awtoridad.

Gumanti ang tropa hanggang sa tuluyang mapasuko ang mga ito ngunit habang ibinibiyahe umano ang mga suspek patungong Cotabato City ay nang-agaw ng baril si Itek sanhi para mapilitan ang tropa na siya ay paputukan hanggang sa mapatay.

Bantay-sarado naman sa ospital ang kasama nitong sugatan na si Abdulhazis. (BONG PAULO)

145

Related posts

Leave a Comment