ITO ang ginawang pagtiyak ng Department of Transportation kaugnay sa lilikhain na Metro Manila Subway.
Ayon kay DOTr Sec. Arthur Tugade, hindi babahain ang gagawing lantsang Metro Manila Subway dahil may sapat na kaalaman at karanasan na umano ang Japanese firm na kanilang kinuha bilang contractor nito.
Sa pahayag ng kalihim, malaki ang maitutulong ng karanasan. kakayahan at higit sa lahat ang teknolohiyang gamit ng JIM Technology (JIMT) Corporation para siguraduhin na hindi magbabaha ang naturang subway.
Sinabi pa ni Sec Tugade na hindi umano dapat mag-alala ang publiko kung babahain ang Manila subway station dahil sa magkaiba ang lokasyon ng Japan sa Pilipinas.
Paliwanag ng kalihim, bahagi ng naging plano para sa nasabing proyekto ang soil testing.
Dito ay sinigurado ng ahensya na hindi basta bibigay ang lupa sa ibabaw ng subway.
Sa pagtataya ay posibleng pasimulan ang partial operations ng tinaguriang “project of the century” sa taong 2022 at inaasahan na magiging full operational ito matapos ang apat na taon.
Ang 35-kilometer subway project ay kaya raw magbigay serbisyo sa 370,000 pasahero araw-araw kung saan magkakaroon ito ng 17 stations mula Valenzuela City hanggang Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 at Food Terminal Inc. complex. (JESSE KABEL)
156
