TAUN-TAON ay mayroong panukalang badyet ang ehekutibong sangay ng pamahalaan na inihahanda ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang badyet ay para sa lahat ng yunit ng tatlong sangay ng pamahalaan, kabilang na ang lehislatura.
Batay sa Saligang Batas, kailangang busisiin at ipasa ito ng Kongreso upang maging panukalang batas hanggang maging ganap na batas, sa porma ng General Appropriations Act (GAA), kapag nilagdaan ng pangulo ng bansa.
Kung sinubaybayan ninyo ang talakayan sa dalawang kapulungan ng Kongreso hinggil sa isyu ng badyet ng administrayong Duterte mula 2016 para sa 2017 sa kasalukuyang taon para sa 2021, palaging maraming itinatanong ang mga senador at kongresista sa mga opisyal ng pamahalaan.
Walang masama rito dahil kailangang malaman nila ang dahilan kung bakit malaki ang pondo ng isang kagawaran kumpara sa ibang kagawaran, kung bakit biglang lumobo ang pondo ng ganitong proyekto kumpara sa ibang proyekto at marami pang iba hanggang masipat ng mga ‘matatalas’ na mambabatas ang “pork barrel.”
Ang pork barrel ay siyang panggagalingan ng milyun-milyong perang paghahatian ng mga opisyal ng pamahalaan mula sa bawat proyektong nilagyan ng pondo ng DBM na inaprubahan ng mga kongresista at senador.
Sa isyung ito ng pork barrel, taun-taon na lang ay pasok ang Department of Public Works and Highway (DPWH).
Taun-taon na lang ay lumalabas sa media ang balitang kuwestyonable ang mungkahing badyet ng DPWH.
Dapat ipaliwanag ni Secretary Mark Villar sa mamamayang Filipino ang usaping ito.
Si Villar ang kalihim ng DPWH mula nang magsimula ang administrasyong Duterte noong 2016.
Bawat taon, bilyun-bilyon ang nabibistong isiningit na pork barrel sa badyet ng DPWH.
Ibig sabihin, hindi matapus-tapos ang isyung ito.
Pokaragat na ‘yan!
Pinagkukunan pa naman ng perang pag-aagawan ng mga opisyal ng pamahalaan ang pork barrel.
Sa mungkahing badyet ng DPWH para sa 2021 ay nadiskubre ni Senador Panfilo Lacson na ang mungkahing P469 bilyon ay pareho ng badyet na inaprubahan ng Kongreso para sa 2020.
Inulit lang?!
Ang nadiskubre naman ni Senadora Mary Grace Poe ay P150 bilyon ang pondo para sa sikat na sikat na proyektong “flood control,” samantalang ang pondo para sa Department of Health (DOH) ay P131.22 bilyon.
Dahil talagang nakapagtataka, nagtanong si Poe ng ganito: “Bakit malaki ang funding ng flood control projects ng DPWH sa buong budget ng DOH? I just want to clarify kasi ang pondo ng DOH ay P131.22 billion, pero ang pondo ng DPWH for flood control projects ay at least P150 billion.”
Hindi po nagdududa si Senadora Poe na maraming korap sa DPWH.
Nagtataka lang si Poe sa hatian ng badyet, kaya siya nagtanong.
Lumalabas kasi na kumbinsido ang administrasyong Duterte na higit na importanteng pigilan at resolbahan ang problema ng baha sa kung saang sulok ng bansa kaysa pigilan at resolbahan ang sakit ng mga tao, lalo na ang mga mahihirap dahil pinakamarami sa mga Filipino ay mahihirap.
Ang punto, huwag masyadong lakihan ang pondo ng isang proyekto ng DPWH laban sa baha kaysa sa pondo ng buong DOH.
Wala sa katinuan ang ideyang napakalaki ng pondo ng isang proyekto ng DPWH kaysa sa pondo para sa DOH.
Hindi maipagkakailang bilyun-bilyon din ang nasasayang na perang inilalaan ng DBM sa DOH tulad ng mga ipinambibili ng mga gamot na hindi naman lahat na ilalabas mula sa mga bodega ng DOH.
May napupunta rin sa mga korap sa DOH.
Sabi nga dati ni Senador Richard Gordon, maraming sindikato sa DOH.
Pokaragat na ‘yan!
Ngunit, hindi ito dahilan upang maging mababa ang badyet ng DOH kumpara sa isang proyekto ng DPWH.
Ito’y dahil pareho namang hindi nawawala ang korapsyon sa DOH at DPWH.
Ngunit, kailangang matigil ang taun-taong pagkuwestyon at pagdududa sa taunang badyet ng DPWH.
174
