KASABAY ng pagluwag sa mga community quarantine, inanunsyo ng Department of Transportation na dadagdagan na nila ang mga papayagang bilang ng mga sumasakay sa Metro Rail Transit, simula sa Lunes, Setyembre 14.
Luluwagan na rin ang physical distancing rules na ipatutupad ng gobyerno.
Sinabi ng pamunuan ng MRT na papayagan na ang 204 pasahero na sumakay sa isang train set.
Nangangahulugan ito ng 68 na tao kada bagon.
“Aakyat na sa 204 na commuters sa isang train set, o 68 kada bagon, ang maaaring sumakay sa mga tren, mula sa dating 153 na pasahero sa isang train set, o 51 kada bagon,” anila sa isang pahayag.
Sa ngayon ay bumibiyahe ang 19 train sets ng MRT 3.
Nitong nagdaang Biyernes ay inanunsyo ng DOTr na luluwagan ang physical distancing rules sa loob ng mga pampublikong sasakyan simula Setyembre 14.
Sinabi ng DOTr na ibababa nila sa 0.75 metro ang distansiya sa pagitan ng mga pasahero at unti-unting ibababa matapos ang kada dalawang linggo. (CATHERINE CUETO)
163 