DAVAO DEL SUR – Umabot na sa 141 indibidwal ang kumpirmadong nadapuan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigang ito matapos madagdag ang dalawang bagong kaso, ayon sa ulat ng Provincial Health Office (PHO).
Sa inilabas na datos ng PHO noong Lunes, Setyembre 14, nagtala ng bagong tig-iisang kaso ang lungsod ng Digos at bayan ng Sta. Cruz.
Ayon sa ahensya, nakapagtala rin ng bagong nakarekober sa Sta. Cruz, habang nasa 118 ang kabuuang recovered patients sa buong lalawigang.
Ngunit isasailalim pa rin sa 14 na araw na strict home quarantine ang mga nakarekober at muling isasailalim sa swab test.
Sa kasalukuyan, nangunguna pa rin ang lungsod ng Digos sa may pinakamataas na kaso ng COVID-19,
sa bilang na 53 kompirmado ngunit apat na lamang aktibo makaraang makarekober ang 49.
Sinundan ito ng Sta. Cruz, na may 32 kaso at 29 ang nakarekober at isa ang namatay.
Pangatlo ang bayan ng Bansalan, may 15 kumpirmadong kaso at pito pa lang ang nakarekober.
Sa bayan ng Malalag, 12 ang naitalang kumpirmado at siyam na ang nakarekober at isa ang namatay.
Pawang nakarekober naman ang anim na indibidwal sa bayan ng Hagonoy, walo sa Sulop at dalawa sa Magsaysay.
Habang nasa apat na kaso lamang ang bayan ng Kiblawan kung saan isa ang nakarekober; lima sa bayan ng Padada, isa rin nakarekober at isa ang namatay.
Sa siyam na bayan at isang lungsod ng probinsya, apat na ang nasawi sa COVID-19 kaya inabisohan ng PHO ang publiko na patuloy na sumunod sa lahat ng minimum health protocol upang maging ligtas sa nasabing sakit. (DONDON DINOY)
431 