UMABOT na sa P532.3 bilyon mula sa P469 bilyon ang nadiskubre ni Senador Panfilo Lacson na kuwestyonableng hinihinging badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa 2021.
Ani Lacson, ang paglobo ng kaduda-dudang napakalaking halaga ng pera ng publiko ay nakapasok sa “re-appropriations” at “lump sum appropriations” ng DPWH.
Ang pinuno ng DPWH mula nang mag-umpisa ang administrasyong Duterte ay si Secretary Mark Villar, anak ni Senadora Cynthia Villar at kapatid ni Las Piñas Rep. Camille Villar.
Ang re-appropriations ay muling paglalagay ng badyet sa proyektong pinondohan na sa nakaraang taon.
Wala namang detalye ng pagkakagastusan sa lump sum, dahilan upang pagdudahan ito na mapupunta lang kung saan mayroong pakinabang ang mga negosyo ng pamilya Villar.
Idiniin ni Lacson na ang lumobong P532.3 bilyon ay 87 porsiyento ng mungkahing badyet ng DPWH na P613.1 bilyon.
Anang senador, ipagpalagay na ang mga proyekto ng DPWH na pinondohan sa nakaraan ay patuloy na gagawin, “easily 87 percent or P532.3 billion is deemed questionable.”
“Having said all that, a legal question needs to be addressed as we progress in our plenary budget deliberations: Will this kind of “errata” be allowed by the Senate, or Congress for that matter, if the items to be rectified do not involve simple typographical errors or other similar minor errors like interchanged or misplaced items in the NEP?,” hamon ni Lacson sa kapwa mga senador.
“Therefore, if my colleagues will not allow such major rectification, we may see a 2021 GAA (General Appropriations Act) that is reduced by more than half a trillion pesos,” ratsada ni Lacson.
Taun-taon na lang ay mayroong nadidiskubre si Lacson na kuwestyonableng badyet sa DPWH. (NELSON S. BADILLA)
72