NANAWAGAN ang ilang senador upang patuloy na suspindehin ang pagpapataw ng service fee sa online transactions ng mga bangko at financial technology.
Ayon kina Senador Sonny Angara at Imee Marcos, dapat palawigin ang suspensyon habang nagpapatuloy ang COVID 19 pandemic.
Binigyang-diin ni Angara na gipit na gipit ngayon ang maraming kababayan at bawat piso ay sadyang mahalaga sa panahon ng pandemya.
“Ang buong gobyerno ay gumagawa ng paraan para tulungan ang lahat ng sektor na tinamaan ng pandemiya. Ang waiver ng fees sa digital transactions ay maliit na bagay na makakabawas kahit paano sa mga pasanin ng ating mga kababayan,” saad ni Angara.
Kung si Marcos naman ang masusunod, iginiit nitong dapat hanggang sa kalahating bahagi ng susunod na taon ang nasabing suspensyon sa transaction fees, kung saan inaasahan na mayroon nang bakuna kontra sa COVID-19, para mapalago ang maliliit na online business.
“Todo ang pagsisikap nating maisulong ang 60-day debt moratorium para sa publiko sa tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pagkatapos masasayang lang ang ating pinaghirapan dahil sa mga bagong bayarin,” himutok ni Marcos.
NAGDAMOT
Samantala, kinastigo sa mababang kapulungan ng Kongreso ang BDO at Bank of the Philippine Islands (BPI) dahil sa pagdadamot umano ng mga ito sa gitna ng pandemya.
Ayon kay House deputy majority leader Bernadeth Herrera, hindi katanggap-tanggap na ang dalawang nabanggit na bangko pa ang tumangging ipagpaliban ang inter-bank transfer fees gayung sila ang malalaking bangko ngayon sa bansa.
“The big question is: why is it so hard for these two largest Philippine banks to do what other banks, including the relatively smaller ones, have done in terms of providing relief to their distressed clients?,” ani Herrera.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil wala ang BPI at BDO sa listahang inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga private financial institution na nag-waive ng inter-bank transfer fees.
Nangangahulugan na simula kahapon, Oktubre 1, 2020 ay naningil na ng transfer fees ang dalawang bangko sa kabila ng panawagan na mamamayan at mga lider ng bansa na ipinagpaliban ito dahil nasa gitna pa ng pandemya ang bansa dahil sa COVID-19. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
