Atty. Matula, tinumbok ang problema sa justice system 4-YR BBM CASE VS ROBREDO NAPAKABAGAL

NAPAKABAGAL ng mahigit apat na taong electoral protest ni dating Senador Ferdinand “BBM” Marcos II laban kay Bise Presidente Maria Leonor Robredo na isinampa sa Supreme Court (SC) o Presidential Electoral Tribunal (PET).

Ito ang personal na pananaw ng beteranong abogado na si Atty. Jose Sonny Matula nang tanungin siya ng manunulat na ito tungkol sa nabanggit na protestang elektoral ni BBM.

Si Matula ay pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at chairman ng NAGKAISA Labor Coalition.

Ang pananaw ni Matula ay nakatuntong sa rekord ng kaso ni BBM na isinampa nito sa Korte Suprema bilang PET, o “Tribunal”, noong Hunyo 29, 2016.

Ang orihinal na ponente ng kaso ay si Justice Alfredo Benjamin Caguiao.

Naglabas ng ponente si Caguiao bago ito magretiro sa mataas na korte noong Oktubre 2019 na nagsasabing ibasura ang protestang elektoral dahil lamang si Robredo laban kay Marcos.

Ngunit, natalo sa botong labing-isa sina Caguiao at dating Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Kaya, itinuloy ng PET ang buhay ng protesta ni BBM nang pakinggan ng pinakamalaking bilang ng mga mahistrado ang “third cause” ng kaso ni BBM laban kay Robredo.

Iginiit ni Marcos sa third cause na busisiin din ang mga boto sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao sapagkat malaganap din umano ang pandaraya ng kampo ni Robredo.

Dahil wala na si Caguiao sa mataas na korte, napunta kay Justice Marvic Leonen ang kaso noong Oktubre 2019.

Bilang ponente, nagpasya si Leonen na hingan ng memoranda o komentaryo, sina BBM at Robredo sa desisyon ng PET na ikonsidera ang third cause.

Nagpasa ang dalawa noong Enero ng kasalukuyang taon.

Naglabas ng desisyon si Leonen nitong bago matapos ang Setyembre.

Ang desisyon niya ay ipinasa at hiningan ng komentaryo ang Commission on Elections (Comelec) at Office of the Solicitor General (OSG) kaya kakain pa ito ng ilang buwan.

“Masyado na ngang mahaba ang proseso,” ratsada ni Matula.

Ang kabagalang ito sa pinakamataas na unit ng hudikatura ay hindi lang ngayon nangyari, tumbok ni Matula.

Kaya, idiniin niya na: “may problema tayo sa justice system natin.”

Bilang pagpapatunay na hindi lamang si BBM at abogado niyang si Atty. Vic Rodriguez ang nakaranas ng usad-pagong na pagpapasya ng Korte Suprema, inihayag ni Matula sa manunulat na ito ang kanyang personal na karanasan bilang abogado.

“May mga kaso ako more than 5 years wala pang decision. Pinakamatagal ko 15 years,” banggit ni Matula. (NELSON S. BADILLA)

177

Related posts

Leave a Comment