BAGSAK sa kulungan ang isang babaeng service crew nang ipadakip ng kanyang amo dahil sa nawawalang mahigit P30,000 halaga ng mga produkto sa Malabon City noong Sabado ng gabi.
Nahaharap sa kasong qualified theft si Jocelyn Pliego, 39, residente ng Burgos St., Brgy. Concepcion.
Ayon sa pahayag ni Joseph Michael Vincent Ramirez, 37, negosyante, may-ari ng Potato Comer Stall sa loob ng Fisher Mall sa Brgy. Longos, kay police investigator P/MSgt. Julius Mabasa, mula nang magbukas ang tindahan noong Mayo 16, 2020 hanggang Oktubre 3, 2020, ang suspek lang ang gumagawa ng arawang inventory.
Ang ipinapasa at idinedeklara umano nito ay kompleto.
Ngunit alas-6:30 ng gabi noong Oktubre 3, nagsagawa ng inventory ng kanilang produkto ang biktima at ang suspek at dito nadiskubre na nawawala ang 22 packs ng French fries na 2.5 kilo per pack na aabot sa P23,100 ang halaga, at assorted cups para sa French fries na aabot sa P7,644 ang halaga.
Bunsod nito, tumawag ng security guard ang biktima at ipinadakip ang suspek. (FRANCIS SORIANO)
192 