KINUKONSIDERA ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na payagan ang 70% na mananakay o pasahero sa pampublikong transportasyon.
Ito’y para mapagaan ang pagsakay ng mga manggagawa.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakabinbin pa rin ang panukala ni Labor Secretary Silvestre Bello III sa IATF.
“Pinag-iisipan po talaga iyan ng IATF dahil alam natin na ang tanging paraan para maiahon sa kahirapan ay ang pagbubukas ng ekonomiya na pupuwede naman pong mangyari sa pamamagitan ng pag-iingat ng buhay para makapaghanapbuhay,” ayon kay Sec. Roque.
“At sa tingin ko po it’s a matter of time bago natin maibalik sa 70% itong transportation natin,” dagdag na pahayag nito.
Sa isang resolusyon na inaprubahan noong Oktubre 2, sinuportahan ng IATF ang reopening ng public transportation “in such manner that is sufficient and safe to the public following health expert’s guidance on minimum health standards.”
Iyon nga lamang, ni-require ng pamahalaan ang malalaking kompanya o iyong may total assest na P100 million na matatagpuan sa loob ng special economic zones at iba pang lugar sa ilalim ng hurisdiksyon ng investment promotion agencies na mag-provide ng shuttle services para sa kanilang mga empleyado.
Kamakailan lamang, pinanatili ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang polisiya ng one-meter distance sa pagitan ng mga pasahero sa pampublikong transportasyon matapos bawasan ng
Department of Transportation ang physical distance ng 0.75 meters na umani naman ng iba’t ibang reaksyon mula sa medical experts at taumbayan. (CHRISTIAN DALE)
