ITO na ang tamang panahon para alisin ang takot ng publiko sa COVID-19 ngayong iginigiya na ng gobyerno ang phase 3 o ang transition phase.
Ito ay ang yugto kung saan ay kailangan nang makapaghanapbuhay sa ilalim ng tinatawag na new normal habang unti- unti nang binubuksan ang ekonomiya.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hangga’t hindi napapawi ang takot sa bawat isa ay hindi talaga mauuwi sa normal ang takbo ng buhay.
Sinabi pa niya na kung hindi nakapagtatrabaho ang isang manggagawa dahil sa pangambang dulot ng corona virus ay talagang walang papasok na kabuhayan sa pamamahay nito.
Matatagalan pa aniya ang COVID-19 pero alam na ng publiko ang anyo ng sakit at kung paano ito maaaring iwasan.
Kailangan lang aniyang tandaan ang itinataguyod ngayon ng pamahalaan na “Ingat buhay para sa hanapbuhay.” (CHRISTIAN DALE)
207
