P4.506 TRILLION BUDGET APRUB NA SA KAMARA

TULAD ng inaasahan, pinagtibay na sa ikatlong pagbasa ang 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.506 Trillion sa huling araw ng special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa botong 257 pabor, 6 ang kontra at 0 abstention, tuluyang inaprubahan ang House Bill 7727 o General Appropriation Bill (GAB) pasado alas-otso kagabi, matapos ang 4 na araw na marathon deliberation.

Pinasalamatan naman ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang lahat ng mga kongresista sa pagtutulungan ng mga ito para maipasa ang pambansang pondo na mahalaga para sa pagbangon ng bansa sa pandemyang dulot ng COVID-19.

“Mabigat po ang ating pinagdaanan bago tayo nakarating dito. Magkahalong pagsisikap at pananampalataya, tiwala at suporta ng bawat isa ang nagdala sa atin sa hantungang ito,” ani Velasco.

“I am proud and humbled by what I have experienced and witnessed in this very eventful week. I may not be an extraordinary congressman, but I am a humble recipient of your overwhelming mandate and support,” ayon pa kay Velasco.

Tiniyak ni Velasco kay Pangulong Duterte at sa taumbayan na hindi magkakaroon ng reenacted budget dahil mahalaga ang pondong ito para makabangon ang bansa sa pandemya.

“Ito ang tunay na budget ng bayan. We will transmit the national budget in our counterpart without delay,” dagdag pa ni Velasco.

Una rito, sinabi ni House appropriation committee chairman Rep. Eric Yap na mapapasakamay ng mga senador ang kopya ng national budget sa Oktubre 28, o mas maaga sa November 5 na itinakda ng Senado.

Sa ambush interview kay Yap sa Kamara kahapon, pipilitin umano ng mga ito na maibigay sa Senado ang inaprubahang budget ng Kamara sa nasabing petsa.

“Pipilitin natin kung yun ang gusto ni Senate President. Siguro gagawa kami ng paraan para mabigay sa kanila. Yung Oct 28, kung gusto ni Senate President and nasabi na ni Speaker, siyempre di ko puwedeng ipahiya Speaker ko. It will be Oct 28,” ani Yap.

Gayunpaman, hindi hard copy ang ibibigay aniya ng Kamara sa Senado kundi soft copy dahil 10 araw aniya ang guguluhin para sa pag-iimprenta ng National Printing Office (NPO) sa national budget.

Pinabulaanan din ng mambabatas ang babala ng mga senator na magkakaroon ng insertions ang mga congressman sa pambansang pondo dahil kung anong pagbabago aniya ang mangyayari ay mula sa mga ahensya ng gobyerno at hindi sa congressmen.

Hinamon naman ni dating House deputy speaker LRay Villafuerte si Speaker Velasco na ilantad sa publiko ang kanilang inaprubahang pondo upang masiguro na wala itong pork barrel.

ANDAYA NAKIKIALAM?

Kinastigo rin ni Villafuerte ang pakikiaalam umano ni dating Camarines Sur Rep. Rolando “Nonoy” Andaya II sa deliberasyon sa 2021 national budget gayung hindi na ito miyembro ng Kamara.

“If you will recall, it was Andaya who was the architect of the post-bicameral committee insertions in the 2019 budget, which was why the General Appropriations Bill (GAB) at that time suffered numerous delays and eventually resulted to the implementation of a reenacted budget at the onset of 2019 and the President’s subsequent veto of certain portions of the 2019 budget for being illegal insertions,” ani Villafuerte.

Nangangamba si Villafuerte na lalong madidiskaril ang pambansang pondo dahil sa pakikialam ni Andaya at inakusahan nito ang karibal sa pulitika sa kanilang probinsya na dinidiktahan umano si Rep. Yap.

Itinanggi naman ni Deputy Speaker Doy Leachon ang alegasyon ni Villafuerte na nakikialam si Andaya sa pambansang pondo. (BERNARD TAGUINOD)

85

Related posts

Leave a Comment