P3-B KOLEKSYON SA RICE TARRIFF, IPAMAHAGI SA 600K MAGSASAKA

AABOT sa 600,000 rice farmers ang makatatanggap ng P5,000 bawat isa kung maisasama ang P3 bilyong sobra sa koleksyon ng Bureau of Customs (BOC) sa ilalim ng Rice Tariffication Law sa cash assistance sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).

Ayon kay Senador Cynthia Villar, umabot na sa P13.68 billion ang nakolekta ng Customs sa ilalim ng Republic Act No. 11203 o ang Rice Tariffication Law mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon.

Alinsunod sa batas, P10 bilyon sa koleksyon ay ilalagay sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa modernisasyon sa rice sector habang ang sobra sa halaga ay ibibigay na ayuda sa mga magsasaka.

“‘Yung 3 billion kapag dinivide mo—kasi ‘yung rice farmers owning one hectare and below is 600,000—kapag dinivide mo doon ang P3 billion, P5,000 lang ang isa noon,” diin ni Villar.

Gayunman, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na aabot sa 1.1 milyon ang rice farmers sa bansa kaya’t ang komputasyon ay hindi dapat ibatay sa 600,000 na magsasaka lamang.

“Whatever money we can raise in excess of rice tariffication, we just give as financial assistance to the rice farmers kasi ang daming complaint na bumaba daw ang price ng rice because of this, because of that,” diin naman ni Villar.

“So maybe to soften these complaints, we will just give them financial assistance lalo na ngayon na pandemic,” diin pa nito.(DANG SAMSON-GARCIA)

94

Related posts

Leave a Comment