TINIYAK ni Senador Sonny Angara na may pondong nakalaan ang gobyerno para sa pambili ng bakuna laban sa COVID-19 sa sandaling maging available na ito sa merkado.
Nauna nang kinuwestyon ng ilang kongresista ang maliit na halagang inilaan para sa pambili ng bakuna sa ilalim ng 2021 proposed budget.
Ipinaliwanag naman ni Angara na bukod sa inilaan ng Department of Health (DOH) na P2.5 bilyon para sa bakuna, may nakalaan ding standby fund sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
“Dito sa Bayanihan 2, merong P10 billion standby appropriations kasi nung dinedebate namin, pinag-uusapan namin ay wala pang vaccine so hindi natin mailagay na definite fund pero kung nasa standby fund pwedeng pondohan,” paliwanag ni Angara.
Idinagdag pa ni Angara na maging ang sinasabing mga freezer na paglalagakan ng mga vaccine ay tiyak anyang mapopondohan.
“May pondo naman ang DOH, I’m sure pag available na ‘yun dapat mag-allot sila budget, may pondo sila for facilities,” diin ni Angara.
Samantala, nanawagan si Angara sa publiko na doblehin lalo ang pag-iingat sa gitna ng pagluluwag ng quarantine protocols.
“Kapag nag move na tayo from General Community Quarantine to Modified General Community Quarantine, kailangan added protocols kasi sa isip natin medyo gumagaan na parang gumagaan din ang precautionary measures dapat baligtad yun. Dapat hindi nawawala ang pagiging vigilant at dapat double up tayo,” diin ni Angara. (DANG SAMSON-GARCIA)
169 