BUNSOD ng natanaw na pag-asa sa pamamagitan ng pagbabagong buhay ay nagpasyang sumuko, bitbit ang kanilang mga sandata, ang 11 tauhan nina Abu Sayyaf Leader Radulanh Sahiron at Mundi Sawadjaan, sa mga tauhan ng AFP Joint task Force Sulu, ayon kay Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., ang commander ng Western Mindanao Command.
“Your hard work has paid off. Keep it up for our Tausug brothers and sisters,” ani Lt. Gen. Vinluan, Jr.
Nahikayat na sumuko sa 1101st Infantry Brigade, na pinamumunuan ni Col. Antonio Bautista Jr., ang 11 ASG members na kinilalang sina alyas Alji, 24; alyas Gaspar, 45; alyas Amz, 45; alyas Ardin, 32; alyas Bebs, 25; alyas Madz, 48; alyas Uyong, 34; alyas Bahad, 52; alyas Navin, 35; alyas Allon, 45, at alyas Asir, 42, bitbit ang pitong high-powered firearms na kinabibilangan ng M16 armalite at M1 Garand rifles.
Sinasabing malaking bagay ang alok ng pamahalaan na social integration benefits mula sa provincial government at maging sa Task Force Sulu kaya sumuko ang mga tauhan nina Sawadjaan at Sahiron.
Ayon kay Joint Task Force Sulu spokesperson, Lt. Col. Ronaldo Mateo, ang mga returnee ay kinilala lamang sa kanilang aliases dahil sa aspetong pangseguridad at pansamantalang ilalagay sa mga halfway settlement.
Ang mga tauhan ng 41st IB, 100th IB, at 11th MIB sa ilalim ng Municipal Task Force on Ending Local Armed Conflict (MTF ELAC) ng Patikul, Maimbung, Indanan, Talipao, at Pata sa Sulu ang nagproseso sa 11 ASG members na boluntaryong sumuko sa militar.
Ayon kay JTF Sulu commander, MGen. William Gonzales, isasailalim sa Social Integration Program ang 11 sumukong ASG members, sumailalim na rin ang mga ito sa physical and medical examination sa Camp Bautista Station Hospital at susunod sa profiling process.
Sa datos ng JTF Sulu, nasa kabuuang 344 ASG members na ang sumuko sa AFP, PNP at LGU sa Sulu, 217 sa mga ito ang naka-avail na ng livelihood assistance habang 127 ang nasa proseso para i-enroll sa programa ng BARMM. (JESSE KABEL)
179 