NAIS ni Senador Grace Poe na madaliin ang pagtalakay sa panukalang pag-amyenda sa Anti-Money Laundering Act (AMLA) subalit tiniyak ang malalimang deliberasyon.
“Mahalagang magkaroon ng pamamaraan sa batas na husayan ang pagsugpo sa money laundering, terrorist financing at iba pang katulad ng banta sa integridad ng ating sistemang pinansiyal,” saad ni Poe, matapos sertipikahan ng Malacañang bilang urgent ang panukalang amyendahan ang AMLA.
“Ang maayos na sistemang pinansiyal ay may kapasidad na kayanin ang epekto ng mga kaganapang tulad ng pandemya na nagpahirap sa ating ekonomiya at nagpasadsad sa kabuhayan ng ating mga kababayan,”dagdag ni Poe.
Sinabi ng senador na magpapatuloy nang mabilis pero hindi isinasantabi ang pagiging mabusisi para matiyak na balanse ang kalalabasang bagong bersiyon ng batas at may pagsasaalang-alang sa lahat ng kinauukulang sektor.
Isa ang Senate Bill No. 1412 ni Poe sa mga inihaing panukalang naglalayong patibayin pa ang AMLA o ang Republic Act No. 9160.
Nakasaad sa panukala ang pagsasama ng mga real estate developer at broker bilang sakop na personalidad; Pagsama sa tax crimes at paglabag sa Strategic Trade Management Act na hindi direktang ibinibilang ang paglaganap ng weapon of mass destruction bilang mga predicate offense sa money laundering; Pagpapahusay sa kapangyarihang mag-imbestiga ng Anti-Money Laundering Council (AMLC)); Awtorisasyon sa AMLC na ipatupad ang “targeted financial sanctions” sa proliferation financing; at pagpigil sa pagpapalabas ng injunctive relief laban sa freeze order at forfeiture proceedings.
Awtorisasyon ng AMLC na ipreserba, pamahalaan at ibenta ang mga asset na tinutukoy sa asset preservation order at judgment forfeiture.
Naunang nagbabala ang AMLC na kung mabibigo ang Pilipinas na maipasa ang mga amendment at maipakita ang epektibong implementasyon, nanganganib ang bansa na maging “grey-listed”.
Yan ang maaaring mangyari kapag “grey-listed” tayo ng Financial Action Task Force (FATF) na tiyak na may negatibong epekto hindi lamang sa ating mga OFW, Filipino nationals at negosyo abroad, kundi pati na rin sa ating ekonomiya,”Poe said in her bill.
Kailangang patindihin natin ang ating depensa laban sa tumitinding banta ng krimeng pampinansiyal. Isang malakas na AMLA ang makatutulong upang matiyak na wala nang pagtataguan ang mga sangkot),” Poe said.
Pinalawig ng FATF ang deadline ng kanilang observation period mula October 2020 hanggang February 2021 sanhi ng pandaigdigang kirisis.(DANG SAMSON GARCIA)
157 