IATF WALA PANG DESISYON SA NON-ESSENTIAL TRAVELS

PINAG-AARALAN pa rin ng technical working group ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang usapin ng non-essential inbound travels sa Pilipinas.

Ayon kay IATF co-chairman, cabinet secretary Karlo Alexei Nograles, step by step process kasi ang kailangan dito.

Aniya, kailangan munang malaman kung ilan ang inaasahang overseas Filipinos na darating at kung kakayanin ba ito ng capacity ng bansa sa usapin ng testing at isolation o quarantine.

Sa kasalukuyan, ang general rule ay tanging ang returning residents pa lamang ang pinapayagang makabiyahe papasok ng Pilipinas, gayundin ang mga OFW, overseas Filipinos dala ang kanilang mga anak at asawa, Filipino man ito o dayuhan.

Sa kabilang dako, kasama rin sa pinapayagang makapasok ng bansa ang mga dayuhan na may expertise sa trabahong kailangan dito sa Pilipinas at mga diplomat.

Kamakailan ay pinayagan na ng IATF ang non-essential outbound travels o ang paglabas ng bansa ng mga Filipino, alinsunod sa mga patakaran at panuntunan.

Kaya ang payo ni CabSec Nograles sa mga Pilipinong gusto nang mag-abroad, alamin muna kung ang bansang pupuntahan ay tumatanggap ba ng bisita lalo na kung mula sa Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)

184

Related posts

Leave a Comment