HINAMON ni House committee on public accounts chairman at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na pangalanan ang mga mambabatas na sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ginawa ni Defensor ang hamon matapos sabihin ni Belgica na may mga kongresista ang nakikipagkutsabahan sa mga public works personnel kaya nagkakaroon ng katiwalian sa mga DPWH project.
“If indeed there are corruption being done and congressmen are involved. They should really point to whoever is involved. Ituro na nila para magkaroon ng malalim na pag-aaral, napakahirap naman na parang kung ikaw ay isang kongresista at may pamilya ka, lahat nadadamay. Kawawa ka naman dahil wala ka namang alam,” ayon kay Defensor.
Sa ngayon ay mayroong 302 congressmen kung saan 250 ang District congressmen kaya nararapat lamang umano na pangalanan ni Belgica ang sangkot sa katiwalian sa pagpapatupad ng DPWH projects sa kanilang mga distrito.
“Hindi tayo humihinto sa kampanya laban sa katiwalian, pero maglabas ng pangalan dahil ang hirap naman na ang buong Kongreso ang tinatamaan. Parang blanket na pagtuturo ang accusation against the members of Congress,” ayon pa sa mambabatas.
Ang pahayag ni Belgica ay kasunod ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang mga katiwalian sa DPWH na matagal na umanong nangyayari kaya dapat na itong matapos.
Inabsuwelto agad ni Duterte sa katiwalian sa DPWH Secretary Mark Villar dahil ang mga sangkot umano dito ay ang mga nasa project engineer.
Una nang umapela si Cavite Rep. Elpidio “Pidi” Barzaga sa National Bureau of Investigation (NBI) at Senado na imbestigahan ang sinasabi ng pangulo na katiwalian sa DPWH na trillion ang pondo.
“Let the axe fall where it may. The NBI can pursue a case build up against people behind the systemic and systematic corruption at the DPWH. Some senators who have been talking about the huge lump sump appropriations in the DPWH budget for next year could help shed light into the President’s complaint by conducting a probe on the matter,” ani Barzaga. (BERNARD TAGUINOD)
258 