Rekomendasyon ng Kongreso 2 KASO KAY DUQUE SA PHILHEALTH SCAM

DALAWANG kaso ang inirekomenda ng House committee on public account at committee on good government and public accountability laban kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque kaugnay sa katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang nabatid kay Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ukol sa nilalaman ng 65 pahinang desisyon subalit kailangan muna aniyang aprubahan ang committee report ng mga miyembro.

“Yung kaso dito sa Perpetual Succor is not so much doon sa corruption or kung anoman ang ginawa nila pero ‘yung pagre-reverse ng decision ng judiciary,” ani Defensor hinggil sa unang kaso.

Pangalawang kaso aniya ay may kinalaman sa interim reimbursement mechanism (IRM) kung saan binigyan ng PhilHealth ng advance payment ang mga ospital para gamitin sa paggamot sa COVID-19 patients subalit marami ang binigyan ng pondo na walang kakayahan o kapasidad na tumanggap ng pasyente ng nasabing virus.

“Yung mekanismo ng advance payment, mali iyon. Hindi dapat ginagawa. Hindi naman natin sinasabi kaagad na guilty sila eh. Ang punto lang is dumaan sa Board, andoon sila as chairman of the Board and may mga approvals,” ani Defensor.

“Ang sinasabi nga ni Secretary Duque at that time hindi nga niya na-sign and there were people who signed, but let it be so, basta nandito ‘yung kaso and let them prepare the defense that they have,” dagdag pa nito.

Gayunpaman, hindi pa malinaw kung criminal o administrative case ang isasampa laban kay Duque.

Maaari rin umanong magsampa ng kaso ang mga mambabatas kung nais nila subalit hindi ang buong committee dahil hindi ito ginagawa ng Kongreso.

Kasama sa inirekomendang kasuhan si dating PhilHealth president at CEO Ricardo Morales, hindi lamang sa usapin ng IRM kundi sa iba pang isyu ng katiwalian sa nasabing ahensya.

Samantala, hinamon din ni Defensor si House minority leader Joseph Paduano na sumali sa kanyang komite at magsampa ng kaso laban sa mga PhilHealth official sa kanilang personal na kapasidad.

“Kung gusto talaga niyang sumama sa public accounts committee, I am inviting him to sign the committee report and to file the case if necessary,” ani Defensor.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos magpahayag ng interes si Paduano sa nasabing komite dahil kung mayroon umanong dapat mamuno rito at mag-imbestiga sa mga katiwalian sa gobyerno ay ang minority bloc.

“Magtulong kami, magsama-sama kami. Hindi na ito question ng majority, minority. He is the minority leader now, and I think it is best that we file collectively as Congress para talagang makita naman ng tao,” ayon pa kay Defensor. (BERNARD TAGUINOD)

262

Related posts

Leave a Comment