REHAS na bakal ang kinasadlakan ng isang 19-anyos binatilyo matapos makumpiskahan ng mahigit sa P.5 milyon ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, ang arestadong suspek na si Richard Fabul, 19, ng Blk. 38, Lot 16, Phase 3, Brgy. 12 Dagat-Dagatan.
Ayon kay Gen. Ylagan, alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) na may kuagnayan sa Simultaneous Enhanced Managing Police Operation (SEMPO), sa Sabalo St. corner Salaysalay St., Brgy. 12, Dagat-dagatan, Caloocan City kontra sa suspek.
Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang suspek matapos bentahan ng P6,000 halaga ng shabu ang isang pulis na umaktong poseur buyer.
Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 75 gramo ng hinihinalang shabu na P510,000 ang halaga at buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (FRANCIS SORIANO)
312 