LUMAD SCHOOLS IPINASARA NG MILITAR

“HULI sa sariling bibig. Inamin mismo ng militar na sila ang nagpapasara sa mga Lumad schools.”

Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat matapos aminin ng National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagdinig ng Senado sa red-tagging activities na kasama sa kanilang accomplishment ang pagpapasara sa Lumad schools.

Noong una ay ang Department of Education (DepEd) ang sinisisi ng militanteng grupo sa pagpapasara sa mga Lumad school partikular na sa Mindanao.

“Ipinagmamalaki pa ito na accomplishment ng NTF-ELCAC. Ito ba ang inaatupag nila? Ang pag-atake sa mga katutubong paaralan at komunidad? Hindi accomplishment ang pagkakait ng edukasyon sa mga kabataang Lumad,” ani Cullamat.

Ayon sa mambabatas, ang mga Lumad school ay bunga ng pagsisikap ng mga katutubo upang makapag-aral ang kanilang mga anak lalo na’t malayo ang mga ito sa kabihasnan.

Gayunpaman, inaakusahan ang mga ito na nagtuturo ng mga ideolohiya ng NPA kaya ipinasara ito ng DepEd na ngayon ay lumitaw na kagagawan ng militar.

“Ang itinuturo sa aming paaralan ay ang pagpapaunlad sa aming ekonomiya na nakabatay sa agrikultura habang inaalagaan ang aming lupang ninuno na pinagmumulan ng aming buhay, pangkabuhayan, kultura at dignidad,” ani Cullamat.

Dahil aniya sa mga paaralang ito, nakababasa at nakakasulat na ang mga kabataang katutubo kaya lumalakas umano ang kanilang pagdepensa sa lupang ninuno na unti-unting inaagaw sa kanila.

Gayunpaman, tila ayaw umano ng gobyerno na makapag-aral ang mga Lumad upang mapadali ang panloloko at pangangamkam sa kanilang lupang ninuno kaya ipinasara ang mga paaralang ito. (BERNARD TAGUINOD)

210

Related posts

Leave a Comment