VELASCO UNANG SPEAKER NA NANUMPA SA PANGULO?

SA unang pagkakataon simula noong 1898, nagkaroon ng Speaker of the House na nanumpa sa pangulo ng Pilipinas.

Ito ay matapos manumpa si House Speaker Lord Allan Velasco bilang ika-27 Speaker kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang nitong Lunes ng gabi.

Ang panunumpa ni Velasco ay ginawa kasabay ng kanyang ika-43 taong kaarawan kaya siya ang naitalang kauna-unahang Speaker na nanumpa sa pangulo ng bansa simula noong panahon ni Pedro Paterno, ang kauna-unahang Speaker ng Kongreso na noo’y tinatawag pang “National Assembly”.

Ang Kongreso o Legislatura ay binubuo ng Kamara at Senado ang ikalawa sa tatlong sangay ng gobyerno. Ang dalawa pang sangay ay ang Ehekutibo at Hudikatura na independent sa isa’t isa.

Dahil dito, walang speaker sa mga nakaraang panahon ang nanumpa sa Punong Ehekutibo upang mapanatili umano ang pagiging independent ng Legislative branch of government.

Tanging ang speaker ang hindi nanunumpa sa pangulo samantalang ang mga justice ng Korte Suprema ay karaniwang nanunumpa sa chief executive bilang kanilang appointing officer.

Aminado si Velasco na ‘baon siya sa utang na loob” kay Duterte dahil sa pagtulong nito para maipatupad ang term-sharing agreement at maluklok siya speaker.

“I am deeply honored to be sworn in by President Duterte who I admire a lot and have high regard for. He is also one of the persons to whom I am greatly indebted.”

Nangako naman si Velasco na ipaprayoridad niya sa Kamara ang mga adyenda ng lehislasyon ng pangulo at tutuparin umano ng Kamara ang panawagan ni Duterte na tapusin ang sistematikong katiwalian sa pamahalaan. (BERNARD TAGUINOD)

143

Related posts

Leave a Comment