HINDI nagustuhan ng Die Hard Duterte Supporters (DDS) ang pagkampi at tila pagtatanggol ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Makabayan bloc na ni-red-tag kamakailan.
Ayon sa nasabing grupo ng mga supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte, malinaw umanong pagbalewala sa pangulo at pangmamaliit sa kakayahan ng military sa pangangalap ng impormasyon laban sa CPP-NPA ang aksyon ng House leader.
Sa Youtube Channel na Banat Balita ng DDS, sinabi nito na sa ginawang pagtatatanggol ni Velasco sa Makabayan bloc ay ipinakikita lamang nitong wala siyang nalalaman sa isyu ng CPP-NPA.
“Kung talagang kay Pangulong Duterte ka, sumunod ka sa kumpas ni Pangulong Duterte hindi naman sila mag-aakusa nang walang ebidensya, sinasabi mong careless accusations ni Gen. Parlade, hindi sila careless, puno ng ebidensya, hindi ka nanonood, wala kang internet? Sanay ka naman gumamit ng cellphone bakit hindi mo tinitignan. Yung Makabayan bloc meron ebidensya ang ating pamahalaan kaya wag ibahin ang usapan itigil ang pagtatanggol dyan,” ayon pa sa DDS.
Matatandaan na una nang nagpasalamat sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Act Teachers Party-list Rep. France Castro kay Velasco sa ginawa nitong pagtatanggol sa kanila sa red-tagging ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade, giit ng Makabayan bloc, naramdaman nilang protektado sila sa ginawa ni Velasco.
“Lubos namin pinasasalamatan si Speaker Velasco. Yung ginagawa nyang pagtatanggol sa kanyang kasamahan lalo na sya ay Speaker, ngayon lang ako nakarinig ng Speaker na ganito,” nauna nang pahayag ni Castro.
Sa ipinalabas na statement ni Velasco, sinabi nito na apektado siya sa ginagawang red-tagging ni Parlade sa House members.
“As Speaker of the House, I am duty bound to protect them from potential harm due to these careless accusations,” pahayag ni Velasco kung saan sinabihan nito si Parlade na maging maingat sa kanyang pananalita laban sa mga miyembro ng Kamara.
“We may not agree with them on certain issues but be mindful that these lawmakers are duly elected representatives of the people, and implicating them on issues that have yet to be substantiated is uncalled for,” dagdag pa ni Velasco.
Sinabi ng mga supporter ni Pangulong Duterte na dalawa lamang ang nakikita nilang dahilan ng pagkampi ni Velasco sa Makabayan bloc, una ay natatakot siyang banggain ang CPP-NPA dahil mayroong mga NPA sa distrito niya sa Marinduque o mapakikinabangan niya sa 2022 election ang mga ito.
Hamon ng grupo kay Velasco, patunayan na malapit talaga siya kina Pangulong Duterte at anak nitong si Mayor Sara.
Sa kontrobersiyal na Instagram post noong October 8, 2018 ni Mayor Sarah ay tinawag nitong ‘milking cow’ ng mga terorista ang party-list system kung saan tinawag nitong terrorists at liars ang
Makabayan bloc na dapat ay matangggal sa Kamara.
Noon namang 2016, sa kanyang talumpati sa 1st Infantry Division sa Labangan, Zamboaga del Sur ay sinabi ni Pangulong Duterte na ilang party-list sa Kamara ay may kaugnayan sa CPP at nagpopondo sa armed wing nito na New People’s Army (NPA).
199
