ABSENT na si Pangulong Rodrigo Duterte sa huling araw ng 37th ASEAN Summit and Related Summits.
Ito’y matapos piliin ng pangulo na huwag nang dumalo sa nasabing event para mabisita ang mga lugar na binayo ng mga nagdaang bagyo sa bansa.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na naintindihan naman ng counterparts ng pangulo sa Southeast Asia ang kanyang hindi na pagdalo sa nasabing event.Kaagad namang lumipad patungong Cagayan at Camarines Sur ang chief executive para i-check ang sitwasyon sa mga komunidad doon.
“Nagpaalam naman po ang presidente at naintindihan naman po ng kaniyang mga kasamang mga pinuno ng iba’t ibang bansa na siyempre super typhoon habang the summit was being held. Mayroong super typhoon at mayroon pang mega flooding na nangyari sa Cagayan, so they understood,” ayon kay Sec. Roque.
Nilaktawan ng pangulo sa ASEAN-UN Summit ang paglagda sa Regional Comprehensive Economic Partnership at ang closing ceremony, kung saan inilipat ng Vietnam ang chairmanship ng 10-member ASEAN sa Brunei.
Sa kabilang dako, sina Cabinet secretaries Teodoro Locsin Jr. (foreign affairs) at Ramon Lopez (trade and industry) ang naging kinatawan ng pangulo sa huling araw ng three-day summit.
Samantala, si Locsin ang nagbasa ng Philippines’ statement sa idinaos na ASEAN-US Summit, araw ng Sabado. (CHRISTIAN DALE)
