HINDI magagamit ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) ang kanilang pribilehiyong 20% discounts sa pagdaan sa mga expressway.
Ito ang nagtulak kay Buhay party-list Rep. Lito Atienza para maghain ng resolusyon na atasan ang Department of Transportation (DOTr) at Toll Regulatory Board (TRB) na mag-isyu ng kautusan sa mga tollway operator na bigyan ng 20% discounts ang mga senior.
Ginawa ni Atienza ang nasabing resolusyon matapos makatanggap ng reklamo na walang discount ang matatanda at mga may kapansanan na kabilang sa mga obligadong kumuha ng Radio Frequency Identification (RFID) para makadaan sa mga expressway.
Ayon sa mambabatas, malinaw sa batas na obligado ang lahat na bigyan ng 20% discount ang mga senior citizen sa pasahe ng lahat ng mga pampasaherong sasakyan at serbisyo publiko.
Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang Republic Act (RA) 9442 o Magna Carta for PWD at RA 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Gayunpaman, hindi ito nasusunod sa RFID dahil kung ano ang ibabayad ng mga ordinaryong motorista na dumadaan sa mga expressway ay siya ring babayaran ng mga senior citizen at PWDs.
Simula sa darating na Disyembre 1 ay ipatutupad na ang cashless payment sa mga tollway kaya inoobliga ang lahat ng motorista na magpakabit ng RFID sa kanilang sasakyan. (BERNARD TAGUINOD)
