2 TULAK BULAGTA SA DRUG-BUST

DAVAO CITY – Dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang bumulagta matapos umanong manlaban sa ikinasang drug-bust operation ng mga operatiba ng Tagum City Police Station sa Purok Orchids, Brgy. Mankilam.

Kinilala ang napatay na mga suspek na sina Jan-Jan Cawati alyas “Tata Polinar,” residente sa Brgy. Madaum, at Jan Carlo Bermudez, 28-anyos, residente ng Purok 18-Santan, Suaybaguio, Brgy North, Tagum City.

Dagdag sa ulat ng Tagum City Police Station, nakabili ang kanilang ‘asset’ ng umano’y shabu mula sa mga suspek sa halagang P12,000 ngunit nang tangkang arestuhin ang mga ito ay biglang bumunot ng .45 kalibreng baril at pinaputukan ang mga pulis na nagresulta sa palitan ng putok na ikinamatay ng mga ito.

Nakuha sa mga suspek ang ginamit na baril, ang umano’y shabu na 81 gramo ang timbang at P1,295,000 ang halaga.

Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan nina Regional Drug Enforcement Unit XI P/Lieutenant Col. Ronald Lao at P/ Lieutenant Col. Jed Clamor, hepe ng Tagum City Police Station. (DONDON DINOY)

157

Related posts

Leave a Comment