BAGSAK sa kulungan ang isang babae at isang lalaki dahil sa ilegal na sugal sa magkahiwalay na lugar sa Malabon City.
Ayon sa ulat nina P/SMS. Darwin Concepcion at P/SSgt. Diego Ngipol kay Malabon police chief, Col. Angela Rejano, dakong alas-7:00 ng gabi, nagsasagawa ng Oplan Galugad ang mga tauhan ng Sub-Station 5 sa panulukan ng Block 9 at Block 12 sa Labahita St., Brgy. Longos nang maaktuhan nila ang isang grupo na naglalaro ng cara y cruz.
Nang kanilang lapitan, mabilis na nagpulasan ang mga nagsusugal ngunit nasukol si Larry Tolentino, 42, habang nakatakas naman ang iba.
Nakumpiska ng mga pulis sa lugar ang tatlong pisong coins (pangara) at P220 bet money.
Bandang alas-3:00 naman ng hapon nang maaktuhan din ng mga tauhan ng SS-1, sa pangunguna ni P/Lt. Joseph Almayda, na nagsasagawa ng Oplan Galugad sa Rimas corner Pineapple Road, Brgy. Potrero, ang apat katao na nagpapataya ng illegal numbers game na kilala bilang “Ending”.
Nang manpansin ng mga suspek ang mga pulis, mabilis silang nagpulasan ngunit nakorner si Lea Bulani, 34, habang nakatakas ang tatlong iba pa.
Ayon kay P/SSgt. Jose Romeo Germinal at P/Cpl, Micahel Oben, nakuha kay Bulani ang dalawang ending cards, ballpen at P6,000 bet money. (FRANCIS SORIANO)
288 