KUNG may mga bansang higit na makikinabang sa Charter Change (Cha-Cha) na isinusulong ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco, ito ay walang iba kundi ang China partikular na sa usapin ng West Philippine Sea.
Bukod dito, tiyak na papasukin na ng China nang buong-buo ang mga negosyo sa bansa lalo na ang public utilities tulad ng tubig, kuryente at communication na hindi na kailangan ang Filipino partners.
Ito ang pahayag ni dating Anakpawis party-list Rep. Fernando Hicap, national chairperson ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA).
Ayon kay Hicap, sa ngayon ay kontrolado na ng China ang teritoryo ng Pilipinas at WPS at ang mga Chinese national na lamang ang nakikinabang sa yamang dagat na dapat ay para sa mga Pilipino lamang.
“Charter Change (Cha-Cha) would institutionalize the Chinese-plunder of the exclusive economic zone (EEZ) in the West Philippine Sea,” ayon sa dating mambabatas.
Binuhay ni Velasco ang kanyang Resolution of Both House No. 2 para amyendahan ang mga economic provision sa 1987 Constitution upang magkaroon ng 100% ownership ang mga dayuhang negosyante.
Sa ngayon ay 40% lamang ang pagmamay-ari ng mga dayuhang negosyante sa Pilipinas at dahil nahihirapan ang mga ito na makakuha ng 60% na counterpart sa Pilipinas ay hindi itinutuloy ng mga ito ang pagnenegosyo sa bansa.
Pero ayon kay Hicap, masyado itong mapanganib dahil hindi lamang ang karagatan ang puwedeng kontrolin ng ibang bansa sa Pilipinas kundi ang mga lupain.
“The proposed Cha-Cha would further exploit the country’s land and sea resources because it will remove the protections on our sovereignty and patrimony granted by the existing constitution.
Moreover, it will allow 100 percent foreign ownership of lands and other strategic sectors in the economy including but not limited to mining, education, media, utilities, advertising, health, and other public sectors,” dagdag pa ng dating mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
180 