Rerebyuhin sa Kamara CHILD CAR SEAT LAW ‘OA’

(BERNARD TAGUINOD)

REREBYUHIN muna ng Kongreso ang Republic Act (RA) 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act na kilala rin bilang Child Car Seat Law dahil mistulang nasobrahan ang ginawang Implementing Rules and Regulations (IRRs) ng Department of Transportation (DOTR)-Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, naghahanda na ang nasabing komite na pinamumunuan ni Rep. Edgar Mary Sarmiento para rebyuhin ang nasabing batas bago ito ipatupad.

“It seems that there are IRR provisions that go beyond the scope and authority of RA 11229 and also add to the confusion and apprehension about the law,” ani Biazon kaya dapat rebyuhin ang nasabing batas.

Inihalimbawa ng mambabatas ang isang probisyon sa IRR ukol sa “Fitting Stations,” na isiningit sa Section 8 sa RA 11229 o Certification Training Program na lalong nagpalito umano sa mamamayan.

Wala aniyang salitang “fitting stations” sa original na panukala subalit inilagay ito sa IRR kaya kailangan rebyuhin ito bago tuluyang ipatupad.

Unang itinakda ng LTO ang implementasyon ng nasabing batas noong Martes, na nag-oobliga sa mga may-ari ng sasakyan na maglagay ng child restraint device para sa mga batang pasahero na edad 12 pababa.

Inalmahan ito, hindi lamang ng mamamayan kundi ng mga mambabatas lalo pa’t nasa pandemya ngayon at bawal lumabas ang mga kabataan kaya inurong ng LTO at DOTr ang implementasyon nito.

Hindi rin umano nagkaroon ng malawakang information campaign ukol sa pagpapatupad ng nasabing batas.

118

Related posts

Leave a Comment