‘Di raw tatakbong pangulo BONG GO, GAYA-GAYA SA ‘PALUSOT’ NI ROBREDO

GINAYA ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang ‘palusot’ ni Bise Presidente Ma. Leonor “Leni” Robredo hinggil sa pahayag na huwag muna siyang isama sa mga posibleng tatakbo sa pagkapangulo sa halalang 2022.

Idiniin ni Go sa online press briefing nitong Sabado na huwag siyang isama sa mga politikong naghahangad tumakbong pangulo sa halalang 2022.

“Please count me out po,” pahayag ng bagitong senador.

“Huwag niyo po ako isama d’yan sa usapang eleksyon,” patuloy niya dahil higit siyang nakatuon sa paglutas sa COVID-19.

Si Go na kilalang mahigit 22 taong ‘alalay’ ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamahalaang lungsod ng Davao ay nanalong senador noong eleksyong 2019 bilang kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-Laban).

Ang kahilingan ni Go ay parehas din ng posisyon ng kampo ni Robredo.

Matatandaang itinambol ng tagapagsalita ni Robredo na si Barry Gutierrez sa media na hindi pa pumapasok sa isipan ng pangalawang pangulo ang halalan.

Problema sa COVID-19 ang pokus ni Robredo sa kasalukuyan, wika ni Gutierrez.

Lumabas ito sa media kasabay ng pag-ikot ng “signature campaign” na nag-uudyok umano kay Robredo na tumakbo sa pagkapangulo sa halalan.

Sina Go at Robredo ay kapwa nasa dulo ng sarbey na inilabas ng Pulse Asia noong Disyembre 2020.

Ang mga nangunguna sa sarbey ay sina Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senadora Mary Grace Poe.

Sa Pulse Asia survey ng mga posibleng kandidato sa pagkapangulo ay tanging si Robredo ang ‘presidential timber’ ng oposisyon.

Sina Duterte-Carpio, Marcos at Poe rin ang nangungunang tatlo sa sarbey ng ibang kumpanya na hindi kasing sikat ng Pulse Asia.

Si Poe ay tumakbong pangulo noong 2016, ngunit natalo siya at sina dating Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II at dating Bise Presidente Jejomar Binay kay Duterte. (NELSON S. BADILLA)

117

Related posts

Leave a Comment