Dinala ng manning agency sa QC imbes sa quarantine facility COVID SUSPECT NAGNEGATIBO SA SWAB TEST

NEGATIBO sa COVID-19 ang lalaking dinala sa Quezon City ng kanyang manning agency.

Ito ang napag-alaman ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) nitong Biyernes. Isinagawa ang re-swabbing sa lalaki noong Pebrero 10, ng isang testing facility sa Pasay City.

Ang kasama naman nitong inilipat na rin ng CESU sa Hope Facility, ay sumailalim din sa swab test, at malalaman ang resulta ngayong araw.

Sa ngayon, nakatutok ang CESU sa contact tracing at pag-interview sa higit-kumulang 350 indibidwal na nasasakop ng 50-meter radius sa lugar na tinirhan ng lalaki. Walo sa mga ito ang nagpakita ng sintomas, kaya naka-home quarantine na habang hinihintay ang resulta ng kanilang swab test.

Sa nasabing bilang, 106 na ang sumalang sa swabbing. Target ng CESU na tapusin ang swabbing ngayong araw.

Natukoy na rin ng CESU ang Grab driver at magsasagawa na rin ng contact tracing sa kanyang mga nakasalamuha.

“Hopefully, matapos na natin ang swabbing today. Wala pa po tayong inirerekomendang lockdown sa lugar dahil wala pa naman tayong natutukoy na clustering ng kaso. But since we have swabbed members of the community, it is a protocol na hindi muna sila dapat lumabas ng bahay,” sabi ni CESU head Dr. Rolly Cruz.

Noong Huwebes, iginiit ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kakasuhan ng lokal na pamahalaan ang Baltic Asia Crewing Incorporated dahil dinala pa sa Quezon City ang lalaking nagpositibo sa B1.1.7 (UK Variant) ng COVID-19, imbes na sa isang quarantine facility.

“Paano kung super spreader pala ang lalaki? Inilagay ng agency sa panganib ang buhay ng buong komunidad sa Riverside dahil hindi nila sinunod ang protocol at dinala pa sa ating lungsod ang lalaki. Hindi nila ipinagbigay-alam sa mga awtoridad sa Maynila man o sa QC, ang kalagayan ng lalaki, kaya wala tayong kaalam-alam. Kailangan nating panagutin ang agency at sampolan,” sabi ni Belmonte. (JOEL O. AMONGO)

182

Related posts

Leave a Comment