57 nagpositibo sa COVID-19 NAVOTAS ACTIVE CASES, SUMIPA SA 134

BIGLANG sumipa sa 134 ang active COVID-19 cases sa Navotas matapos na 57 ang magpositibo noong Pebrero 13, habang tatlo lamang ang gumaling

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, simula Pebrero 6 ay pataas na nang pataas ang mga kaso sa lungsod at marami ang nadadagdag na bagong kaso ngunit kakaunti lamang ang gumagaling.

“Hanggang maaari, ayaw na po nating maghigpit ulit dahil pare-pareho lang po tayong mahihirapan. Kaya kailangan po natin ang tulong ng bawat isa para mapigilan natin ang pagdami pa ng mga nahahawaan. ‘Wag nating sayangin ang 11 buwan na nating sakripisyo,” anang alkalde.

“‘Wag po nating kalimutan na parating magsuot ng face mask at face shield, maghugas ng mga kamay, sumunod sa 1-2 metrong physical distancing, at manatili sa bahay hanggang maaari. Wala pong mawawala kapag tayo ay mag-iingat pero buhay ang maaaring kapalit ‘pag tayo ay nagpabaya,” patuloy ng punong-lungsod.

Pinakamaraming aktibong kaso sa lungsod sa Barangay San Jose kung saan 23 ang active cases, sinundan ng Tangos South, 14; habang tig-isang dosena ang aktibong kaso sa mga barangay ng Daanghari, NBBS Dagat-dagatan at San Roque.

Umabot na sa 5,750 ang kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa COVID sa Navotas. Sa bilang na ito ay 5,438 na ang gumaling at 178 na ang namamatay.

Samantala, lumobo sa 270 ang active COVID-19 cases sa Valenzuela City matapos na 81 ang magpositibo noong Pebrero 13.

Umabot na sa 9,660 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID sa lungsod, kung saan 9,120 na ang gumaling at 270 ang namatay.

Ayon naman sa Malabon City Health Department, pito ang nadagdag na confirmed cases sa lungsod noong Pebrero 13 at sa kabuuan ay 6,420 na ang positive cases, 97 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Longos (5), San Agustin (1) at Tinajeros (1).

Habang siyam na pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Ang mga ito ay mula sa Barangay Catmon (1), Longos (5), Tañong (2) at Tonsuya (1). Sa kabuuan ay nasa 6,078 ang recovered patients ng Malabon.

Nobyembre pa noong nakalipas na taon huling naglabas ng update ang Caloocan City ukol sa bilang ng COVID cases sa kanilang lungsod. (ALAIN AJERO)

155

Related posts

Leave a Comment