INIHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang Bahraini national na wanted sa sex crimes sa kanyang bansa.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang pugante na si Alsendi Waleed Abdulla Hamad, 43-anyos, nadakip noong nakaraang Martes sa Brgy. San Francisco II, Dasmariñas, Cavite ng mga operatiba ng bureau’s Fugitive Search Unit (FSU).
Ayon kay Morente, nag-isyu siya ng mission order para sa pag-aresto kay Hamad matapos na ipag-utos ng Department of Justice (DOJ) para malaman ang presensiya at status ng dayuhan sa bansa at para iproseso ang deportasyon laban dito.
Idinagdag pa ni Morente na si Hamad ay subject ng arrest warrant ng public prosecutor’s office ng Bahrain para sa ‘sexual assault and possession of pornographic materials’.
Dahil dito, si Hamad ay pakay ng Interpol red notice na inisyu dalawang taon na ang nakalilipas.
“He will be summarily deported as his presence here and record as a sex offender pose a serious threat to our people,” ayon sa BI chief.
Ayon sa impormasyon mula sa BI, natuklasan na si Hamad ay tumakas papuntang Pilipinas noong Marso 2016 matapos maakusahan ng sexual assault sa isang babaeng biktima nito sa kanyang apartment.
Si Hamad ay kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City at hinihintay ang paglabas ng order mula sa bureau’s Board of Commissioners para deportasyon nito.
Samantala, Hamad ay inilagay na sa immigration blacklist at bawal nang muling pumasok sa bansa. (JOEL O. AMONGO)
138
