DISMAYADO ang ilang senador sa pang-iisnab ng social media giants na Facebook at Twitter sa pagdinig ng Senado kaugnay ng online abuse and exploitation of children.
Tinawag pa ni Senador Kiko Pangilinan na crime scene ang mga social media platform na ito partikular ang mga fake account na sangkot sa criminal activities.
Sa pagdinig nitong Martes ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, tinalakay ang mga panukala laban sa electronic violence sa mga babae at kabataan, online sexual abuse at exploitation of children at ang posibleng exploitative websites.
“For the record, we’re very concerned about their absence. In fact, I am told, that Twitter is also a source of online exploitation. And they are also not here,” dagdag pa ng senador.
Kinatigan din ni Senador Pia Cayetano ang panawagan ni Pangilinan na magkaroon ng hiwalay na pagdinig kasama ang social media giants dahil malaki rin ang kanilang pananagutan.
Nangako naman si Senador Risa Hontiveros, chairperson ng komite na ipatatawag ang Facebook at pagpapaliwanagin hindi lamang sa online exploitation sa halip kasama na rin ang isyu sa Facebook-facilitated adoptions.
“We will consider holding them in contempt,” banta pa ni Hontiveros.
Inamin naman ng National Bureau of Investigation na wala pang naihahaing kaso laban sa mga telco at social media platforms kaugnay sa cybercrime.
“Sa end po ng anti-human trafficking division wala pa po. Yan nga po yung pinag-aaralan namin through the inter-agency council against child pornography. Kasi kailangan marami pa po kaming makuhang evidence para masampahan po namin ng kaso itong mga telcos, or mga social media platforms,” pahayag ni Atty. Janet Francisco ng the Anti-Human Trafficking Division ng NBI.
Inirekomenda naman ni Pangilinan na bumuo ang Department of Justice ng hiwalay na team para sa case build-up at paghahain ng kaso. (DANG SAMSON-GARCIA)
112
