PUSPUSAN ang panghihikayat ng administrasyong Duterte sa publiko na magpaturok ng bakunang CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech Ltd. mula sa China.
Sa ikalawang araw ng pagbabakuna sa bansa, mistulang kayod-kalabaw sa pag-iikot sina Secretary Carlito Galvez Jr., Secretary Francisco Duque III at Secretary Vince Dizon sa iba’t ibang pamahalaang lokal na nagsimula nitong Lunes sa kani-kanilang vaccination program upang mahikayat lumahok ang maraming opisyal at kawani ng pamahalaang lokal.
Ngunit, kahapon hindi pinahintulutang magpaturok ng bakunang CoronaVac sina Marikina Mayor Marcelino Teodoro, Pasig City Mayor Vico Sotto at Manila Mayor Francisco Domagoso dahil inuna ng mga ito ang mga healthcare worker.
Sa Manila, nagpaturok naman si Vice Mayor Honeylet Lacuna.
Bukod sa pag-iikot, idiniin ni Presidential Spokesman Harry Roque Jr. na walang negatibo, o masamang epekto, sa mga opisyal ng pamahalaan na nagpabakuna noong Lunes tulad nina Galvez at Dizon.
Ang kasipagang ginagawa nina Galvez, Dizon at Duque ay tila nakatuntong sa datos na masyadong mababa ang bilang ng mga Pilipino na gustong magpaturok ng bakuna ng China.
Ayon kay Gavez, oorder pa ang pamahalaan sa Sinovac ng 5 milyong doses nito para sa susunod na buwan na babayaran ng pamahalaan.
Ag naunang dumating na 600,000 doses ng CoronaVac ay donasyon lang ng China sa Pilipinas. (NELSON S. BADILLA)
129
